Skip to content

February 25 - 8 am NEWS

February 25 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 25, 2026 | 9:49 AM

Inihain noong Martes ng Prime Minister ng Senegal ang isang panukalang batas na magdodoble sa parusa laban sa same-sex relations, na maaaring magresulta sa hanggang 10 taong pagkakakulong.

Ayon kay Ousmane Sonko, ang sinumang mapatunayang gumawa ng “act against nature” ay papatawan ng lima (5) hanggang 10 taong pagkabilanggo, mula sa kasalukuyang parusang isa (1) hanggang limang (5) taon.

Naipasa na sa National Assembly of Senegal ang panukala matapos itong aprubahan ng gabinete noong nakaraang linggo.

Isinusulong ito kasunod ng ilang pag-aresto sa mga taong inakusahan ng paglabag sa umiiral na batas laban sa LGBTQ.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga naaresto ngayong buwan ang ilang kalalakihan, kabilang ang dalawang lokal na personalidad at isang kilalang mamamahayag.

Samantala, iniulat din ang mga kaso ng same-sex relations, na sa ilang ulat na iniuugnay sa hiwalay na kaso ng pang-aabuso sa mga menor de edad.

Sa naturang kaso, natukoy ng mga imbestigador ang isang grupo na inakusahan ng sexual violence laban sa mga bata kung saan 14 katao ang naaresto.

Sinabi ni Sonko na saklaw ng panukalang batas ang parehong isyu—same-sex relations at child sexual abuse.

Dagdag pa niya, kung ang naturang gawain ay kinasasangkutan ng menor de edad, ipapataw ang pinakamataas na parusa.

Nakasaad din sa panukala na ang anumang sexual act sa pagitan ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay ituturing na “act against nature.”

May probisyon din ang panukala na magpapataw ng tatlo hanggang pitong taong pagkabilanggo sa sinumang magsusulong o magsasagawa ng adbokasiya para sa same-sex relations.

Matagal nang sensitibong usapin sa Senegal ang LGBTQ rights, kung saan madalas tutulan ng mga relihiyosong grupo ang mga ganitong adbokasiya at iginiit na ito ay impluwensiya ng western country. Ilang demonstrasyon na rin ang isinagawa sa mga nakaraang taon upang humiling ng mas mabigat na parusa.

-----

Ibinida ni U.S. President Donald Trump ang kanyang mga nagawa sa loob ng isang taon, partikular sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Ayon kay Trump, napababa ng kanyang administrasyon ang core inflation sa pinakamababang antas sa higit limang taon.

Muling binanggit niya si dating U.S. President Joe Biden, na ayon kay Trump binigyan ang Amerika ng pinakamasamang inflation sa kasaysayan ng bansa, na taliwas naman ayon sa mga kritiko nito.

Kaugnay niyan binanggit din ni Trump ang paglago ng stock market, na umano’y nakapagtala ng 53 “all-time record high” mula nang manalo siya bilang Pangulo.

Sinabi rin niya na nakapaghikayat ang kanyang administrasyon ng mahigit $18 trillion investments sa unang taon ng kanyang pamumuno.

Sa usapin ng immigration, hindi rin pinalagpas ng Pangulo ng Amerika ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa pagpigil sa illegal immigrants at pagpasok ng illegal fentanyl o isang uri ng painkiller sa bansa na bumaba raw ng 56% at naitala ang pinakamababang bilang ng illegal immigrants sa border ng US-Mexico noong nakaraang taon.

Ibinida pa ni Trump sa kanyang talumpati ang lakas ng militar at kapulisan ng Amerika, at sinabing, natatakot na ang mga nagnanais na hamunin ang bansa na nag-ugat sa muling pag-respeto umano sa Estados Unidos.

Bilang isang kilalang tagahanga ng sports at dating may-ari ng professional football team, pinuri ni Trump ang tagumpay ng US hockey team na nanalo ng ginto sa winter Olympics.