Skip to content

September 9 - 8 am NEWS

September 9 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 09, 2026 | 9:29 AM


Ligtas ang lahat ng 44 na bata matapos pagbabarilin ng isang pulis ang kanyang asawang guro sa isang kindergarten sa Chonburi province, Thailand nitong Miyerkules.

Ayon sa awtoridad, ligtas na nailikas ang mga bata kasama ang tatlong guro at tatlong school staff matapos ang insidente sa Nong Pla Lai Municipal Kindergarten sa Bang Lamung district.

Batay sa ulat ng AFP, dumating sa paaralan ang suspek na isang pulis at kinausap ang kanyang asawa bago ito binaril. Hindi nasaksihan ng mga bata ang pamamaril dahil nangyari ito sa labas ng classroom.

Matapos ang insidente, umuwi ang suspek sa kanilang bahay kung saan siya pinaligiran ng mga pulis habang hinihikayat na sumuko.

Samantala, ipinag-utos ng gobernador ang pansamantalang pagsasara ng kindergarten at paglalaan ng psychological support para sa mga batang at staff na naapektuhan ng insidente. Hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaril.

---

Kinilala ni US President Donald Trump ang mga biktima ng September 11, 2001 terror attack.

Sa ginanap na seremonya sa bahagi ng White House, ay dinala doon ang 21-talampakan at may bigat na 17,000 pound steel beam na nabawi sa South Tower ng World Trade Center sa New York.

Bahagi ng nasabing programa ang isang linggong ika-25 taon na paggunita sa terror attack at magtatapos sa araw ng Biyernes, Setyembre 11.

Binigyang pugay nito sina Jeffrey Palazzo bumbero ng New York City at WElles Crowther na nagligtas ng ilang mga katao mula sa pag-atake.

Sinabi ni Trump sa kaniyang talumpati na hindi nakakalimot ang US sa naganap na terror attack.

Magugunitang nasa 2,977 katao ang nasawi at ilang libo din ang nasugatan sa terror attack na isinagawa ng al-Qaeda na pinangunahan noon ni Osama Bin Laden.

Mayroong 19 na mga terorista ang nagplano ng atake kung saan hinay-jack nila ang apat na eroplano at ibinagsak sa mga lugar ng Twin Towers sa World Trade Center sa New York City; isa sa Pentagon sa Arlington County, Virginia at sa kabukiran ng Pennsylvania.