Skip to content

September 9 - 7 am NEWS

September 9 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 09, 2026 | 8:50 AM

Nakapasa na sa panel ng Kamara ang panukalang Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act, na layong protektahan ang kabataan laban sa mararahas na content at labis na pagkakalulong sa online gaming platforms. Ang panukala ay bunga ng pinagsamang 41 House Bills kabilang ang House Bill No. 6080 na iniakda nina Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre.

Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, prayoridad ng Kongreso at ehekutibo ang pagbibigay-proteksiyon sa mga bata sa social media. Noong Agosto, isinama na ito sa LEDAC Common Legislative Agenda matapos iprisinta sa Kamara. Giit ni Dy, mahalagang simulan ang mas mahigpit na regulas­yon lalo na’t tumataas ang insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng dalawa pa.

Para kay Rep. Jude Acidre, ang pagkakapasa ng panukala sa komite ay patunay ng pangangai­langan ng balanseng pagtugon: “Parents will always have an important role in guiding their children online, but families should not be expected to carry this responsibility by themselves… we cannot ignore how much these platforms now shape their everyday lives, and that comes with responsibility.”

Sa susunod na hakbang, tatalakayin na ito sa plenaryo ng Kamara bago tuluyang isulong sa Senado.

---

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Senador Manny Pacquiao bilang kalihim at lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Ayon kay Palace Cabinet Secretary Banhur Abalos, nanumpa na si Pacquiao sa Pangulo. Ipinahayag ni Marcos ang kanyang tiwala sa pamumuno ng dating senador sa pagpapaigting ng mga programa laban sa kahirapan, pagsusulong ng repormang panlipunan, at paglalapit ng serbisyo sa mga komunidad sa buong bansa.

Matatandaang tumakbo si Pacquiao bilang senador sa ilalim ng administration ticket noong 2025 midterm elections, ngunit natalo.

Noong 2022 presidential elections, tumakbo rin si Pacquiao laban kay Marcos ngunit hindi nagtagumpay.