Tinapos ng House prosecution nitong Martes, Setyembre 8, ang presentasyon nito ng ebidensya para sa Article I ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos nitong bawiin ang 15 natitira pa nitong witnesses.
Sa halip na ituloy ang pagharap ng mga natitirang testigo, sinabi ng prosecution na balak nitong ipatawag mismo si Duterte upang tumestigo bago matapos ang buong impeachment trial.
Tumutukoy ang Article I sa alegasyon ng misuse, misappropriation at irregular liquidation ng P612.5 milyong confidential funds.
Ayon sa prosecution, sapat na ang testimonya ng 12 witnesses na naiprisinta nito, kasama ang libu-libong dokumentong iniharap sa impeachment court, upang patunayan ang kaso nito sa naturang impeachment article.
Hindi naman sang-ayon dito ang kampo ni Duterte.
Iginiit ng defense na hindi maaaring pilitin ang bise presidente na tumestigo sa impeachment trial.
Samantala, binigyan ng impeachment court ang defense ng 15 araw upang sagutin ang 104 requests for admission na inihain ng prosecution kaugnay ng Article II.
Ang Article II ay tumutukoy sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.
---
Inaresto na kahapon si dating House Speaker at incumbent Leyte Rep. Martin Romualdez kasunod nang arrest warrant na inilabas dito ng Sandiganbayan Third Division.
Isinilbi ang warrant of arrest sa loob ng Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Isinugod at na-confine si Romualdez sa naturang pagamutan bandang hapon matapos umanong makaranas ng cardiovascular complication.
Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na si Romualdez ay itinuturing nang Person Deprived of Liberty (PDL) habang nasa ilalim ng kustodiya ng pamahalaan sa ospital.
Nag-ugat ang pag-aresto sa P7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng mga umano’y kickback at anomalya sa mga flood control projects mula 2022 hanggang 2025.
Walang inirekomendang piyansa ang Sandiganbayan Third Division para sa kanyang pansamantalang kalayaan dahil ang kasong plunder ay isang non-bailable offense. Naglabas din ang korte ng hold departure order (HDO) laban sa kanya at sa kanyang mga kapwa akusado.
Bukod kina Romualdez at Co, pinaaaresto rin sina Joselyn Tragua Serenio, personal assistant ni Romualdez, at Felicito Cristobal Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation.
Sinabi naman ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel ni Romualdez na maaring na-pressure lamang si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan para idawit ang dating House Speaker sa iskandalo.
Hiniling din ng kampo ni Romualdez na magkaroon ng impormasyon sa 28 na bagong witness.