Skip to content

September 8 - 6 am NEWS

September 8 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 08, 2026 | 8:15 AM

Tahasang sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na gusto ni Vice President Sara Duterte ang drama sa pagsisilbi ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng bailable na kaso nitong grave threat.

Ayon kay Remulla, nakipag-usap umano ang kampo ni Duterte na hindi ito magpipiyansa, imbes ay magpapakulong ito sa Camp Crame dahil sa kinakaharap nitong tatlong kaso ng grave threat.

“Ang drama nila, gusto nila nakakulong siya. Hindi kami pumayag,” paglalad ni Remulla sa press briefing nitong Lunes, Setyembre 7.

“Sanay kasi sila sa shortcut eh. Gusto niya may picture siya na naka-handcuffs, gusto niya may picture siya na nakakulong. Hindi namin ibinigay ‘yon. We accorded her the respect that her position deserves,” dagdag pa ng DILG chief.

Nagdesisyon naman si Duterte na magtungo sa Quezon City Regional Trial Court noong Sabado para magpiyansa ng P360,000 sa tatlong bilang ng grave threat pero sa media interview, sinabi nitong nangangamba siya sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya.

Nilinaw naman ni Criminal Investigation and Detection Group Director PMGen. Robert Alexander Morico II na pawang mga babaeng pulis na walang armas ang ipinadala nila sa bahay ni Duterte sa San Juan upang magbigay ng proteksiyon sa pagtungo nito sa QC RTC.

Samantala, sa isang statement, binanggit ni Duterte na noong 2024 pa lamang ay nakatanggap na siya ng impormasyon tungkol sa aniya’y mga plano umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa kanya.

Kabilang umano sa mga plano ang pagkakaroon ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga gagawin umanong pag-atake laban sa kanya.

Dahil nakaugnay umano ang kanyang seguridad sa Armed Forces of the Philippines (AFP) alinsunod sa constitutional line of succession, sinabi ni Duterte na ipi¬naalam niya noon kay da-ting AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner ang kanyang mga pakiusap na huwag idamay ang kanyang ina at mga anak. (Edwin Balasa/Angelika Cabral)

---

Posible umanong humirit ng asylum sa abroad ang mag-inang sina Senadora Loren Legarda at Batangas Rep. Leandro Leviste dahil sa mga kasong maaaring kaharapin sa Pilipinas.

Ayon sa online news Politiko, iniwanan na umano ni Leviste ang bonggang unit nito sa Shangri-La at the Fort sa Bonifacio Global City, Taguig, at sinimulan na ring ibenta ang shares sa SP New Energy Corp. (SPNEC), ang solar company na kanyang itinayo.

Kamakailan lamang ay binenta ni Leviste ang P3 bilyong halaga ng shares ng SPNEC kung kaya’t bumaba ang stake nito sa 11.51%. Ang hakbang na ito kasama ang pagdispatsa sa condo unit sa BGC residence, ay lalong nagpatunay sa mga espekulasyon na iiwan na nito ang Pilipinas.

Sina Legarda at Leviste ay umalis ng bansa sa magkahiwalay na flight noong Agosto 2, ilang araw matapos ianunsiyo ng Office of the Ombudsman na umarangkada na ang imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kasong plunder at graft sa mag-ina kaugnay ng pagkakasangkot sa exclusive franchises at kontrata sa mga solar projects ni Leviste na hindi naman natupad.