Mahigit 20 milyong kabataan sa 21 bansa ang nakararanas ng online sexual abuse at exploitation bawat taon, ayon sa bagong ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Batay sa imbestigasyon, higit sa isa sa bawat limang kabataang may edad 12 hanggang 17 ang nagiging biktima sa mga pampublikong digital platform, partikular sa social media tulad ng Facebook, WhatsApp, at Instagram.
Inihayag ng UNICEF na mas mababa sa isang porsyento lamang ng mga kaso ng pang-aabuso ang naitatala sa mga awtoridad dahil sa takot ng mga biktima at kawalan ng malinaw na sistemang mapag-uulatan.
Bunsod ng sitwasyong ito, apat na beses na mas mataas ang posibilidad na makaranas ng depresyon, self-harm, at kaisipang magpakamatay ang mga apektadong kabataan.
Kasunod ng ulat, pumayag kamakailan ang kumpanyang Meta sa isang $18 bilyong settlement sa Estados Unidos upang baguhin ang mga praybasi at seguridad sa kanilang mga plataporma.
Giit naman ng UNICEF, kailangang magpatupad ang mga pamahalaan at kumpanya ng teknolohiya ng mas mahigpit na regulasyon upang protektahan ang mga kabataan mula sa panganib sa internet.
---
Nagpatupad ang New York City ng isang taong moratorium sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa mga pampublikong elementarya at middle school.
Ito ang pinakamahigpit na hakbang kaugnay ng paggamit ng bagong teknolohiya sa mga silid-aralan sa buong Estados Unidos.
Dahil sa patakarang ito, pansamantalang ititigil ang paggamit ng humigit-kumulang 40 educational tools sa lungsod.
Ayon kay Mayor Zohran Mamdani, kailangan ng mga bata ang personal na gabay ng guro at pakikipag-ugnayan sa kapwa mag-aaral upang matuto.
Apektado ng patakaran ang humigit-kumulang 600,000 mag-aaral hanggang Grade 8, habang pinapayagan pa rin ang mga guro at piling high school students na gumamit nito.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang mga pangunahing kumpanya ng AI tulad ng Google, Anthropic, at Microsoft hinggil sa usapin.