Skip to content

September 3 - 8 am NEWS

September 3 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 03, 2026 | 9:50 AM

Inaasahang lalakas pa at magiging “very strong” ang El Niño sa mga darating na buwan, ayon sa babala ng World Meteorological Organization (WMO) ng United Nations.

Tiyak na magpapatuloy ang phenomenon na ito hanggang Pebrero.

Nagbabala ang WMO na magdudulot ito ng matinding pagbabago sa ulan at temperatura, pati na rin ng baha, tagtuyot, at matinding init.

Ayon kay UN Chief António Guterres, lalo pang pinatitindi ng El Niño ang init ng daigdig na kasalukuyan nang nagdurusa sa epekto ng climate change. Inihayag naman ni WMO Chief Celeste Saulo na maaari itong magdulot ng malaking hambalos sa pandaigdigang ekonomiya, agrikultura, at kalusugan.

Naitala na rin ang hindi karaniwang pag-init ng karagatan sa Pasipiko na umabot sa mahigit dalawang antas ang taas kumpara sa normal na average.

Dahil dito, hinimok ng UN ang lahat ng mga bansa na maghanda na agad upang mabawasan ang pinsala sa mga komunidad.

---

 Napinsala ang isang matataas na gusaling tirahan sa Black Sea port city ng Odesa matapos ang panibagong air attack ng militar ng Russia nitong madaling araw ng Hwebes.

Ayon kay Serhiy Lysak, ang pinuno ng military administration sa lugar, umabot sa walong katao ang naitalang sugatan at nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan dulot ng nasabing pag-atake.

Ipinahatid ni Lysak ang ulat sa pamamagitan ng Telegram messaging app habang patuloy na inaalam ang kabuuang pinsalang idinulot ng pagsabog sa mga karatig-estruktura.

Samantala, inihayag din ng isang saksi na nakarinig ng malakas na pagsabog sa kabisera ng Ukraine na Kyiv nitong Miyerkules sa gitna ng walang humpay na serye ng mga airstrike ng Russia sa buong rehiyon.

---

Isinasagawa ang DNA testing sa Nepal para matukoy ang mga labi ng mga biktima ng malagim na pagbaha na tumama sa bansa isang linggo na ang nakalipas.

Nagbibigay ng DNA samples ang mga kaanak ng mga nawawala upang maitugma ang kanilang genetic profiles sa mga nakuhang labi, habang ilang pamilya naman ang nagsagawa ng symbolic funeral para sa mga mahal sa buhay na hindi pa rin natatagpuan.

Ayon sa mga ulat, mahigit 1,200 na ang nasawi sa Nepal at nasa higit 4,800 naman ang nawawala matapos ang flash floods noong Agosto 26.

Nagsimula ang kalamidad matapos ang pagguho ng yelo at bato mula sa glacier sa Himalayas, na nagdulot ng malakas na pag-agos ng tubig, putik, at debris sa mga komunidad malapit sa hangganan ng Nepal at China.

Kabilang sa mga matinding naapektuhan ang Rasuwa district, kung saan nagpapatuloy ang search and rescue operations.

Patuloy naman ang pagkolekta ng DNA samples at iba pang impormasyon upang matukoy ang mga hindi pa nakikilalang biktima at maiuwi sa kanilang mga pamilya ang kanilang mga labi.