Skip to content

September 29 - 7 am NEWS

September 29 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 29, 2026 | 8:46 AM

 Pinaalis umano ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese maritime militia vessel at 24 maliliit na bangka na nakita umanong ilegal na nangingisda malapit sa Kota Island sa Kalayaan Island Group noong Lunes, Setyembre 28.

Ayon kay PCG West Philippine Sea spokesperson Commodore Jay Tarriela, namataan ang Chinese vessel sa layong 1.2 nautical miles hilagang-kanluran ng Kota Island bandang alas-10 ng umaga.

Nagpakawala umano ang barko ng 24 maliliit na bangka o “sampans” na kumalat sa loob ng 300 yards mula sa isla.

Lumapit ang limang tauhan ng PCG mula sa Coast Guard Station Kota upang harapin ang mga sasakyang-dagat.

Ayon kay Tarriela, kinilala ng mga crew ang utos ng PCG sa pamamagitan ng hand signals ngunit hindi sila tumugon sa radio challenge.

Umalis din ang Chinese vessel at mga sampan matapos dumating ang PCG team.

---

 Binanatan ni Rep. Bel Zamora (San Juan) ang mga pambabatikos at misogynistic remarks laban sa kanya matapos ang kanyang pagtatanong kay Police Maj. Joericson Sangalang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Nagsilbing witness si Sangalang galing sa firearms division ng Philippine National Police, para kumpirmahin ang mga baril na pagmamayari ni Duterte at ng kanyang asawang si Mans Carpio.

Si Zamora naman ang prosecutor na namuno ng direct examination kay Sangalang. 

Sa House press conference nitong Martes, Setyembre 29, sinabi ni Zamora na hindi siya nagpapadala sa mga batikos at nananatili siyang nakatuon sa kanyang trabaho bilang miyembro ng House prosecution panel.

Aniya, nakalulungkot na may mga Pilipino pa ring nagbibitaw ng misogynistic remarks laban sa mga babaeng matatalino, mahusay magsalita at may kakayahang tumayong abogado sa impeachment court.

“They should get a life,” ani Zamora.