Skip to content

September 28 - 7 am NEWS

September 28 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 28, 2026 | 9:00 AM

Tinawag ni Pangulong Bongbong Marcos na 'buwaon' o 'sinungaling' si Vice President Sara Duterte kaugnay ng pahayag nito na desperado umano ang administrasyon na pabagsakin ang bise presidente at pigilan ang 2028 elections, ayon sa Malacañang.

"Ang sabi po niya, 'yan po ay nonsense, fake news, mahilig magsinungaling, mga buwaon... Translate natin, sinungaling," ani Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing nitong Lunes, Setyembre 28. 

Giit ni Castro, lahat ng akusasyon ni Duterte laban kay Marcos ay "walang basehan," kaya sinabi umano mismo ng pangulo na “nonsense” ang mga paratang nito.

Sa isang pahayag nitong Sabado, Setyembre 26, itinanggi ni Duterte na kilala niya si Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr. at sinabing hindi raw siya tumanggap ng pera mula rito. Nauna nang sinabi ni Gracioso na nagpadala umano siya ng mahigit P2 bilyon sa bise presidente.

Ayon kay Duterte, isa lamang itong "media stunt" para buhayin ang "humihinang" impeachment case. 

"The desperation of the administration to bring me down, push for Charter Change, prevent the 2028 elections, and cling to power is becoming increasingly diabolical," dagdag niya.

---

Namataan ang China Coast Guard vessel na CCG-3303 na nasa humigit-kumulang 35 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Cabra Island sa Occidental Mindoro, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas nitong Linggo, Setyembre 27.

Habang nagsasagawa ng Maritime Domain Awareness flight sa lugar, nag-isyu ng ilang radio challenges ang Philippine Coast Guard (PCG) aircraft 2081 na nagsabing nagsasagawa ng operasyon ang barko sa loob ng EEZ nang walang pahintulot. Hindi tumugon ang CCG-3303 sa alinman dito.

Binantayan din ng BRP Teresa Magbanua ang tatlong People's Liberation Army Navy (PLA-N) warships na nasa 31 nautical miles hilagang-kanluran ng isla.

Ayon sa PCG, maaaring konektado ang presensya ng CCG-3303 at ng PLA-N warships sa pagsubaybay ng Chinese navy sa ADMM-Plus Experts' Working Group on Maritime Security Joint Cooperative Activity, na nagtapos sa West Philippine Sea ngayong linggo.

Nanindigan ang PCG na ang katubigan sa hilagang-kanluran ng Cabra Island ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas, kung saan ipinapatupad ng bansa ang mga soberanong karapatan nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.

"The PCG will continue to deploy its air and surface assets to monitor, document, and challenge foreign vessels operating in Philippine waters without authorization," ani PCG spokesperson Jay Tarriela sa isang pahayag nitong Linggo, Setyembre 27.