Nanawagan si Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro ng agarang at tuloy-tuloy na ceasefire sa Gaza habang iginiit ang kahalagahan ng international law sa pagresolba ng mga alitan sa kanyang talumpati sa 81st United Nations General Debate noong Setyembre 26.
Muling ipinahayag ni Lazaro ang suporta ng Pilipinas sa karapatan ng Palestinian people sa self-determination at sa two-state solution.
Ayon sa kalihim, naniniwala ang Pilipinas na ang two-state solution ang tanging mabubuhay na landas tungo sa pangmatagalang kapayapaan, kung saan mamumuhay nang magkatabi ang Israel at Palestine sa kapayapaan at seguridad.
Nanawagan din siya para sa proteksyon ng mga sibilyan, pagpapalaya sa lahat ng hostages at pagsunod ng lahat ng panig sa international law, kabilang ang international humanitarian law.
Binigyang-diin din ni Lazaro ang papel ng international law sa mga usaping pandagat, kabilang ang West Philippine Sea. Aniya’y ito final at legally binding.
Iginiit ni Lazaro na dapat lutasin ang mga alitan sa pamamagitan ng diplomasya at batas, sa halip na dahas o paggamit ng puwersa.
---
May 22 baril na nakarehistro kay Vice President Sara Duterte na tinatayang nagkakahalaga ng P2.18 milyon, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office.
Sa kanyang testimonya sa Senate impeachment court nitong Lunes, Setyembre 28, sinabi ni Police Major Joericson Sangalang na kabilang sa mga nakarehistro kay Duterte ang 14 pistols, dalawang revolvers, limang rifles at isang shotgun.
Tatlo sa limang rifles ng bise presidente ang classified ng PNP bilang Class-A light weapons.
Samantala, 29 firearms naman ang nakarehistro sa kanyang asawa na si Manases Carpio, na tinatayang nagkakahalaga ng P5.04 milyon.
Sa kabuuan, nasa P7.22 milyon ang tinatayang halaga ng 51 firearms na nakarehistro sa mag-asawa.
Iniharap ang testimonya ni Sangalang bilang bahagi ng pagdinig sa Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth.