Skip to content

September 25 - 7 am NEWS

September 25 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 25, 2026 | 8:18 AM

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326, na opisyal na nagtatakda ng limang taong termino ng panunungkulan para sa mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).

Kasabay ng pagpasa ng bagong batas, hinikayat ng Pangulo ang mga kasalukuyang nanunungkulan na gamitin ang karagdagang panahon upang higit na mapabuti ang kanilang serbisyo-publiko.

Binigyang-diin ng Punong Ecutibo na ang mas mahabang termino ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga lokal na pinuno na tapusin ang mga nasimulang programa at tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad, pamilya, at kabataan.

Ayon pa sa Pangulo, ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay nangangahulugan din ng dagdag na panahon para maglingkod at buong-pusong gampanan ang kanilang pananagutan sa taumbayan.

---

Hindi sapat ang pagiging mag-ina para maiugnay si Senator Loren Legarda sa umano’y iligal na ginawa ng kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.

Ito ang naging tugon ni Atty. Tony La Viña, ang spokesperson ni Senator Legarda nang tanungin ng Bombo Radyo Philippines kung ano ang pinakamatibay nilang ihaharap sa Ombudsman sa alegasyong ginamit umano ni Legarda ang kanyang posisyon upang makatulong sa franchise ng kanyang anak kaugnay ng solar power business.

Ayon kay La Viña, kailangang may aktuwal at konkretong ebidensya na magpapatunay na may ginawang ilegal o improper si Legarda.

Hindi aniya maaaring ibatay ang pananagutan sa tinatawag niyang “accusation by affiliation” o ang pag-uugnay na may pananagutan ang isang tao dahil lamang sa kanyang kaugnayan sa isang indibidwal na inaakusahan.

Giit pa niya, hindi dahil anak o ina ng isang taong iniimbestigahan ay awtomatiko nang may pananagutan ang isang indibidwal.

Samantala, kaugnay naman ng mismong alegasyon ng plunder at umano’y pagkalugi ng pamahalaan sa mga solar project, mariing itinanggi ni La Viña na may government money umanong ginamit, sinayang, o ninakaw si Leviste.

Iginiit ni Laviña na wala umanong “ghost electricity” at walang naging monopoly si Leviste sa mga solar service contracts.

Ayon pa sa abogado, ang franchise ng Solar Para sa Bayan ay “ipso facto revoked” at wala umanong naging pagkawala o financial loss sa gobyerno dahil hindi ito naipatupad.

Sinabi rin niyang hindi umano nailabas ng gobyerno ang kinakailangang rules and regulations at mga lugar kung saan maaaring ipatupad ang solar franchise.

Matatandaang nauna nang sinabi ng Ombudsman na iniimbestigahan ang mag-ina kaugnay ng mga solar project na may kabuuang halagang tinatayang 10 billion pesos.

Iniutos na rin ng Ombudsman kina Legarda at Leviste ang pagsusumite ng kanilang counter-affidavits bilang bahagi ng preliminary investigation.