Skip to content

September 25 - 6 am NEWS

September 25 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 25, 2026 | 7:49 AM

Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na mag-usap-usap para linawin at mailabas ang katotohanan hinggil sa mga kinukwestyong development projects sa Laguna Lake.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong Setyembre 22, sinabi ni Cayetano na ngayong bukas ang Taguig City sa imbestigasyon, dapat ding direktang mag-usap ang mga ahensyang may kinalaman sa mga proyekto.

“‘Pag pinag-usapan ang siyudad namin, you can investigate, everyone is open,” aniya.

Katunayan aniya, bago pa ang pagdinig ay inimbitahan na ng kanyang opisina ang pinuno ng PRA para magkalinawan at bumuo ng maayos na koordinasyon.

“Ang issue ko ay sa DPWH at LLDA at saka sa inyo (PRA). Tatlo kayong gobyerno, bakit hindi kayo mag-usap?” giit ni Cayetano. (Dindo Matining)

---

Tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang credentials ng mga bagong ambassador ng Netherlands at Switzerland sa magkahiwalay na seremonya sa Malacañang nitong Huwebes.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Dutch Ambassador Roderick Wols na matibay ang pundasyon ng 75 taong relasyon ng Pilipinas at Netherlands.

Muli rin niyang tiniyak ang suporta ng kanilang bansa sa international legal order, mapayapang paglutas ng mga sigalot, rule of law at karapatang pantao.

Umaasa naman si Marcos Jr. na lalo pang lalakas ang ugnayan ng Pilipinas at Netherlands, lalo na sa kalakalan at pamumuhunan, water management, transportasyon at imprastraktura.

Kasabay nito, tinanggap din ng Pangulo ang credentials ni Swiss Ambassador Edgard Christoph Doerig na nagsalaysay sa matagal nang political at economic ties ng Pilipinas at Switzerland.

Ibinahagi ni Doerig ang makasaysayang ugnayan ng dalawang bansa, kabilang ang pananatili ni national hero Jose Rizal sa Switzerland kung saan isinalin niya sa Tagalog ang “William Tell” ni Friedrich Schiller.

Sinabi naman ni Marcos Jr. na nananatiling “warm and close” ang relasyon ng Pilipinas at Switzerland at umaasa siyang lalo pa itong mapapalapit sa panahon ng panunungkulan ni Doerig. (Prince Golez)