Skip to content

September 24 - 7 am NEWS

September 24 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 24, 2026 | 8:48 AM

Inalis na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang ban sa online platform na Discord na ipinatupad sa bansa simula kahapon.

Naging "matagumpay" ang naganap na pakikipag-usap sa mga opisyal ng Discord, ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso sa press conference ngayong Huwebes, Sept. 24.

Sinabi ni Paraiso na nakuha nila ang "commitment" mula sa Discord na makikipagtulungan ito sa paghigpit sa "online child safety measures" sa bansa.

Bibigyan umano ng Discord ang Pilipinas ng "green lane" sa pagmo-monitor at pagtingin sa mga "threat actors" sa kanilang platform.

"Isa lang ho ang ibig sabihin niyan. Sa mga platforms na ito, wala na hong makakapagtago na nananamantala at nananakit sa ating mga kabataan," dagdag niya.

Nagbigay din si Paraiso ng mensahe sa lahat ng naapektuhan ng ipinatupad na ban.

"Kukunin ko na rin po ang pagkakataon na 'to para humingi po ng pasensiya sa lahat ng mga naapektuhan at naabala sa ilang oras na banned ang Discord sa bansa," ani Paraiso.

Nauna nang nagbigay ng ultimatum ang CICC sa Discord at Reddit na magtayo ng mga opisina sa Pilipinas sa loob ng 24 oras kaugnay ng mga nangyaring trahedya sa mga paaralan.