Personal na binisita at ininspeksiyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang patuloy na konstruksiyon ng Metro Manila Subway Project sa bahagi ng Quezon Avenue Station.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) kumpleto na ang pagbutas ng tunnel boring machine mula sa South bound ng North Avenue station hanggang sa Quezon Avenue Station, at may haba itong 1.13 kilometers at lalim na 34 meters o katumbas ng halos apat na palapag ng bahay.
Ang Metro Manila Subway Project ay mayroong 17 stations at inaasahang magpapabilis ng biyahe mula East Valenzuela hanggang sa Bicutan station sa Taguig.
Sa sandaling matapos ang proyekto sa huling quarter ng 2031 ay inaasahang makikinabang dito ang kalahating milyong commuters.
Mula sa halos dalawang oras na biyahe, iikli ito ng 30-40 minuto na lamang sa sandaling matapos ang proyekto. (Aileen -Taliping)
---
Sumirit sa halos $100 kada barrel o higit P6K kada bariles ang presyo ng langis habang nagpapatuloy ang giyera sa Iran at nananatiling limitado ang pagdaan ng mga tanker sa Strait of Hormuz.
Tinatayang 15 milyong barrels ng langis kada araw ang dating dumaraan sa naturang ruta. Para maiwasang tuluyang bumagsak ang suplay, gumamit ang Saudi Arabia at United Arab Emirates ng mga alternatibong pipeline at ruta.
Nakatulong din ang suporta ng United States sa pagbiyahe ng mga tanker sa katimugang bahagi ng Strait of Hormuz. Tinatayang 6-7 milyong barrels kada araw ang muling naipapadaan sa ruta bukod pa sa nasa 2 milyong barrels na dumaraan sa pipeline patungong Fujairah sa UAE.
Nakatulong din ang paggamit sa oil inventories at pagbaba ng pandaigdigang demand dahil sa mataas na presyo at mabagal na paglago ng ekonomiya. May dagdag na suplay rin mula sa ilang bansa gaya ng United States. Gayunman, mas mataas na ngayon ang gastos sa pagbiyahe dahil sa mga alternatibong ruta.