Skip to content

September 23 - 8 am NEWS

September 23 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 23, 2026 | 9:59 AM

Isang 15 taong gulang na gunman ang namaril sa labas ng isang mataas na paaralan sa Turkey kung saan mahigit 11, kabilang ang ilang mga mag-aaral, ang naitalang sugatan nitong Martes, Setyembre 22.

Tatlo sa mga sugatan ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang isinasailalim sa intensive care unit habang ang isa naman ay nakalabas na ng ospital.

Naganap ang nasabing pamamaril sa labas ng isang paaralan sa distrito ng Turgutlu sa Manisa province.

Napag-alamang mag-aaral din ng nasabing paaralan ang suspek. Nakuhanan din ng CCTV footage ang mismong pagdating nito sa institusyon na may bitbit na armas, gayundin ang pag-alis nito matapos ang insidente.

Ayon sa Education Minister ng Turkey na si Mustafa Ciftci, nakuha ang ginamit na baril ng suspek sa bahay ng lolo’t lola nito.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Turkey ang insidente habang hindi pa tukoy ang aktwal na motibo ng pamamaril. Tinitignan din ng mga ito ang posibilidad na nakaranas umano ng bullying sa eskwelahan ang suspek.

Nasa kustodiya na rin ng pamahalaan ang magulang at lolo’t lola ng suspek bilang bahagi ng patuloy na pag-iimbestiga sa insidente.

Ito ang ikatlong naitalang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Turkey.

Noong nakaraang Abril, 16 katao ang sugatan matapos mamaril ang dating estudyante sa isang mataas na paaralan nito sa Sanliurfa province sa Turkey. Pinaputukan din ng suspek ang kaniyang sarili na ikinasawi nito.

Sa parehas na buwan, isang 14 na taong gulang naman ang namaril sa dalawang classroom sa Kahramanmaras province na ikinasawi ng walong mag-aaral at isang guro habang 13 naman ang naiulat na sugatan sa insidente. Nasawi rin ang suspek nang paputukan siya ng mga pulis.

---

Nanawagan si United States President Donald Trump sa mga bansang miyembro ng International Criminal Court o ICC na magbitiw sa naturang korte.

Inihayag ito ni Trump sa kanyang talumpati sa 81st United Nations General Assembly sa New York nitong Martes, Setyembre 22.

Iginiit ng US president na hindi papayagan ng Estados Unidos na maimbestigahan o malitis sa ICC ang mga sundalong Amerikano.

Tinawag din ni Trump ang ICC na isang institusyong “out of control” at isang “evil group of people.”

“I call on all nations that are members of the ICC to officially resign from this rogue institution immediately,” pahayag ni Trump.

Matatandaang matagal nang kritikal ang administrasyong Trump sa ICC. Noong Hulyo, nanawagan din si US Secretary of State Marco Rubio sa ibang mga bansa na umatras sa naturang tribunal.

Hindi miyembro ng ICC ang Estados Unidos at hindi nito niratipikahan ang Rome Statute, ang kasunduang nagsilbing batayan sa pagbuo ng korte.

Ang ICC, na nakabase sa The Hague, Netherlands, ay may mandato na litisin ang mga indibidwal na inaakusahan ng genocide, crimes against humanity at war crimes.