Skip to content

September 23 - 7 am NEWS

September 23 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 23, 2026 | 8:48 AM

Binida ng Malacañang si Naga City Mayor Leni Robredo bilang isang taong "may kredibilidad" para ipaalam sa mga mamamayan kung ano ang naitutulong ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga local government units (LGUs), kaugnay ng P500-milyong national allocation para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum.

"Hindi matatawaran ang honesty – nagbibigay ng resibo itong si Mayor Leni Robredo sa mga bawat transaksiyon; hindi pinagdududahan, walang mga aliases na mga resibo kaya tingin natin, sa ating palagay ay isang taong may kredibilidad si Mayor Leni Robredo," ani Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing nitong Miyerkules, Setyembre 23.

Nauna nang nagbanta si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na dalhin sa Supreme Court ang panukalang P58.53-bilyong LGSF at tinawag itong "presidential pork barrel."

Giit naman ni Castro, "pang-intriga" lamang ang naturang pahayag ni Erice.

"Karapatan niyang tumakbo kahit sa saang korte pero dapat siguraduhin lamang po niya na mayroong basehan dahil kung mabibigyan lamang siya or aaralin po niya ang proseso kung papaano nairi-release ang LGSF sa mga LGUs, malamang ay maliwanagan po siya," ani Castro.

Ayon kay Robredo sa isang Facebook post nitong Lunes, Setyembre 21, kinakailangan ng Naga City na gawing mas ligtas at mas "functional" na evacuation center ang naturang coliseum dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha.

---

Nasilip sa impeachment trial nitong Martes ang patuloy na paglaki ng yaman ni Vice President Sara Duterte matapos sabihin ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) na karamihan sa mga kumpanyang idineklara niya sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ay nalugi at walang naiulat na dibidendong ibinayad sa mga shareholder.

Sa Day 28 ng impeachment trial ni Duterte, sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario na kung walang ibinayad na dibidendo ang mga kumpanyang idineklara ni Duterte, hindi maa­aring sabihing kumita siya mula sa operasyon ng mga ito.

“Kung ayon po rito at wala po siyang natanggap na benepisyo, yung dibidendo, hindi ko po alam kung mayroon po siyang maideklarang kinita out of this company,” sinabi ni Del Rosario sa ilalim ng pagtatanong ni Senate President Win Gatchalian.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Gatchalian kung saan nanggaling ang paglaki ng net worth ni Duterte.

“So, ibig sabihin [...] kung babangga po namin ito sa SALN, hindi po pwedeng manggaling sa mga corporations niya yung paglaki ng kanyang net worth,” sabi ni Gatchalian.

“Tama po ba? Dahil kung by process of elimination, titignan natin yung mga corporations, pwede na natin i-rule out yung corporations,” dagdag niya.

Napansin din ni Gatchalian na halos lahat ng kumpanyang idineklara ni Duterte ay nalugi sa halip na kumita.

“Maliban sa GenCorp, Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse, at Mati Ice Plant, halos lahat po ay lugi,” sabi niya.

Pero ayon kay Gatchalian, hindi naman nakatalang shareholder si Duterte sa GenCorp.

“Itong kaso lang, ito si GenCorp, hindi naman po shareholder on record si Vice President Sara,” aniya.

Batay sa mga SALN ni Duterte, tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula sa halos P7.25 milyon noong 2007, nang una siyang maging vice mayor ng Davao City, hanggang P98.66 milyon noong 2025.

Katumbas ito ng pagtaas na humigit-kumulang P91.4 milyon o nasa 1,260 porsiyento.

Mula P34.90 milyon noong 2016, umakyat ang kanyang net worth sa P71.66M noong 2022, ang taon nang maupo siya bilang Bise Presidente.

Patuloy pa itong tumaas sa P77.51M noong 2023, P88.51M noong 2024, at P98.66M noong 2025.

Sa loob lamang ng tatlong taon mula 2022-2025, nadagdagan ng halos P27M, o halos 38 porsiyento, ang idineklarang net worth ni Duterte.