Wala umanong pakialam ang mabilis na pagpasa ng panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027 sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay House Committee on Appropriations Vice chairperson at Pala¬wan Rep. Pepito Alvarez, ang sponsor ng OVP budget, natalakay na sa komite ang panukalang P785.2 milyong budget ng OVP kaya wala ng nagtanong ng isalang ito sa plenaryo nitong Martes.
“Doon sa briefing, tinanong na nila lahat eh. Eh, ‘yung budget, wala kang dapat itanong kasi from P900 naging P800 at tsaka pareho lang yung mga heading nu’ng nakaraang dalawang taon. So, there is nothing to ask, lahat ng mga programa niya nandun,” sabi ni Alvarez.
Samantala, hindi na masyadong binulatlat sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang P324.6 bilyong budget ng Department of National Defense (DND) na inisponsor ni Sultan Kuradat Rep. Bella Vanessa Suansing noong Lunes ng gabi, na dinaluhan mismo ni Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro. (Billy Begas/Bernard Taguinod)
---
Bilang bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang mga hakbang laban sa baha at mapataas ang kapasidad na mapangasiwaan ang malalakas na pag-ulan, ikinukunsidera ng administrasyon na magpatayo ng limang rainwater impounding facilities sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni Executive Secretary Ralph Recto kasunod ng ipinatawag na pulong sa Malacañang sa mga opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ang mga planong pasilidad na pangungunahan ng MMDA ay dinisenyo para ipunin at iimbak ang tubig-ulan pansamantala upang hindi umapaw ang drainage systems at magdulot ng pagbaha sa mga komunidad.
Plano itong itayo sa Camp Aguinaldo, Miriam College, Remedios Circle, Rajah Sulayman Park at sa ASEAN Garden sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City. (Aileen Taliping)