Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na hindi dapat kalimutan ang mga aral ng Martial Law sa kabila ng mga pagsisikap na baluktutin ang kasaysayan.
“54 years later, our call remains the same: Never again! Never forget!” sabi ni De Lima. “Sa kabila ng mga lantarang pagsisikap para baligtarin o baluktutin ang nangyari sa madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan, hindi tayo dapat makalimot.”
“Hindi natin dapat malimot ang libo-libong Pilipinong pinaslang, tinorture at ikinulong; ang mga desaparecidos, ang mga boses na binusalan, mga karapatan at dignidad na niyurakan, at ang kaban ng bayan na napunta sa luho at bulsa ng iilan,” dagdag pa ng lady solon.
Sinabi ni De Lima na hindi dapat kalimutan ang mga survivor sa Martial Law, gayundin ang mga patuloy na nagdadala ng mga alaala at marka ng iniwan nitong sugat. (Billy Begas)
---
Tiniyak ni dating Energy at Cabinet Secretary Rene Almendras na hindi mauubusan ng supply ng langis ang Pilipinas kahit binomba ng Houthi ang mga pipeline ng Saudi Arabia.
Sa programang “The Spokes” sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Almendras na ang magiging problema lamang ng mga motorista ay ang mataas na presyo ng produktong petrolyo sa bansa dahil aabot ng dalawang buwan ang pag-repair ng mga nasirang pipeline sa Saudi.
“No, we will not but the price will stay up. Because the pipeline that the Houthis blasted will take Saudi Arabia, I read, two months to repair. So for the next two months, that major pipeline, which avoids the Strait of Hormuz, is suddenly constrained,” paliwanag ni Almendras sa tanong kung mauubusan ng oil supply ang bansa.
“With that as a scenario, Luzon Economic Corridor is our country’s attempt to come into the new playing field of geo-economics,” dagdag pa niya.
Hinggil naman sa mga plantang nukleyar, sinabi ni Almendras na mas mabuting magpagawa ng maliit at bagong power plant kaysa gamitin ang lumang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
---
Tinuligsa ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umano’y bigong mapigilan ang karahasan at matiyak ang kaligtasan ng mga bata.
Inihayag ito ni Duterte nitong Lunes kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, ang ikatlong school shooting sa bansa ngayong taon.
“Patunay ito na ang ganitong uri ng karahasan ay isang mapait na katotohanan na maaaring mangyari sa mga paaralan ng ating mga anak sa anumang oras,” anang Pangalawang Pangulo.
“This reminds us that when a government prioritizes political consolidation over fundamental governance, the protection of children is inevitably compromised,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Duterte, sumasalamin din ang insidente sa laganap na karahasan na pinalala pa umano ng “kabiguan ng pamahalaan na tiyaking ligtas, payapa, at maginhawa ang pamumuhay ng mga Pilipino.”
Dagdag pa niya, “Para kasi sa administrasyong Marcos, mas madali ang maging inutil, magnakaw, at magsamantala kaysa magsilbi nang tapat sa bayan.”
“At sa halip na may makabuluhang aksiyon at pagpapatupad ng kaayusan, ang administrasyong Marcos ay nakakulong sa walang katapusang laro ng political survival at consolidation,” pahayag niya.
Binigyang-diin pa ni Duterte na nabigo umano ng kasalukuyang administrasyon ang mga biktima at survivor ng trahedya sa South Cotabato.
“Countless more Filipino children remain at risk of becoming casualties of this government’s incompetence and neglect. We deserve better leadership than this,” aniya pa. (Angelica Malillin)