Nagbabala si LPG Marketers Association founder Arnel Ty na lalo pang sisipa ang presyo ng langis sa bansa matapos ang missile at drone attack ng militanteng Houthi sa Saudi Arabia.
“Ang crude oil ngayon umabot na sa 120 dollars at ang tingin mo namin aabot po ito ng 150 dollars within this few days dahil as of today may binomba ulit na another facility ang Saudi Arabia kaya ‘yun ang tingin namin na magtri-trigger ng spike na mataas na presyo,” babala ni Ty sa interview ng programang “Point of Order” sa Abante Radyo.
Kinumpirma rin ni Ty na makikipagpulong siya sa Department of Energy (DOE) upang pag-usapan kung paano ipatutupad ang panibagong pagtaas sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Oktubre.
“Ang plano ay baka gawin naming staggered o iyon siguro ang magi¬ging directive ng OIMB o Department of Energy,” paglalahad ni Ty.
---
Maaaring mawala na sa electricity bill sa Nobyembre ang value added tax (VAT) sa allowable system loss charges na ipinapataw ng mga power utilities, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC) nitong Linggo.
Sinabi ni ERC chairperson Francis Saturnino Juan na nakipagpulong na sila sa mga stakeholder noong Biyernes para maplantsa ang mechanics at mapabilis ang implementasyon ng inisyung circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“So hopefully, by October consumption natin ay mag-e-effect na ‘yung walang VAT sa system loss charge, at ito ay makikita na natin sa November na bill na matatanggap natin,” paliwanag ng ERC chief sa isang radio interview.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular 097-2026, na inisyu ng BIR noong Setyembre 14, ang system loss charges na sakop ng aprobadong cap ng ERC ay hindi na papatawan ng 12% VAT, at ituturing na itong government-mandated pass-through costs.
Nilinaw ng ERC chair na hindi pa mawawala ang buong system loss sa electricity bill dahil kailangang maipasa ng Kongreso ang batas hinggil dito.