Skip to content

September 2 - 6 am NEWS

September 2 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 02, 2026 | 8:12 AM

Umabot na sa ilang lalawigan sa Luzon at Visayas ang haze o makapal na usok at alikabok mula sa mga sunog sa Indonesia.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB), dala ng habagat ang usok at mga alikabok mula sa mga sunog sa Kalimantan patungo sa Pilipinas.

Unang binalot ng haze ang Metro Manila noong Lunes ng umaga.

Kabilang sa mga naiulat na apektadong lugar ang Occidental Mindoro, kung saan namataan ang makapal na haze sa ilang bahagi ng lalawigan.

Apektado rin ang ilang lugar sa Calabarzon, Mimaropa, Central Luzon at Visayas.

Pinayuhan ang publiko, lalo na ang mga bata, senior citizen, buntis at may sakit sa baga o puso na iwasan ang matagal na pananatili sa labas.

Inirerekomenda rin ang pagsusuot ng N95 mask kung kinakailangang lumabas ng bahay.

Inaasahang maaaring magpatuloy ang haze hanggang ngayong araw habang nakadepende ang sitwasyon sa lakas ng mga sunog sa Indonesia, direksiyon ng hangin at pag-ulan.

---

Magdadagdag ng police presence sa mga matataong lugar ang Philippine National Police (PNP) ngayong nagsimula na ang ‘ber’ month at holiday season.

Inatasan din ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga police unit sa buong bansa na paigtingin ang patrol at monitoring sa mga pamilihan, terminal, palengke at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng tao.

Layunin aniya nito na maagapan ang krimen at mapanatili ang seguridad ngayong holiday season.

Pinag-iingat naman ang publiko laban sa pagnanakaw, robbery at scam at hinimok na ingatan ang mga gamit, iwasang mag-post ng real-time location sa social media at agad ireport sa pulisya ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paliid.