Tatlo ang naitalang nasawi at 11 ang sugatan matapos ang naganap na shooting incident sa Banga National High School sa South Cotabato ngayong araw, Setyembre 18.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga nasawi ang hinihinalang gunman na isang estudyante rin ng paaralan.
Naganap ang pamamaril dakong alas-1:30 ng hapon, kung saan ilang estudyante rin ang nagtamo ng mga tama ng bala at isinugod sa mga ospital para sa agarang lunas.
Agad namang sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa buong bayan ng Banga matapos ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at motibo sa pamamaril.
---
Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan sa Kongreso ang pagtatatag ng isang ligtas at pinag-isang Electronic Medical Records (EMR) system para mapabuti ang serbisyo sa mga pasyente at mabawasan ang gastos sa health care ng pamahalaan.
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang centralized digital system sa mas maayos na koordinasyon ng mga ospital ng Department of Health (DOH) at mga health facility na pinamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan.
Ginawa ni Yamsuan ang panukala matapos talakayin sa pagdinig ng House Committee on Appropriations ang panukalang badyet ng DOH para sa 2027.
Sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na kabilang sa mga hakbang upang maging mas episyente ang paggastos sa kalusugan ang pagpapalakas ng referral system sa pagitan ng DOH hospitals at mga pasilidad ng LGU.
Sinabi ni Yamsuan, mahalaga ang unified EMR sa sistemang ito dahil maiiwasan ang paulit-ulit na pagsusuri sa pasyente.
Halimbawa, maaaring ulitin sa DOH hospital ang laboratory test na ginawa na sa isang LGU health facility dahil walang maayos na koordinasyon at access sa resulta.
Sa ilalim ng panukala, ilalagay sa isang secure at centralized digital platform ang mahahalagang impormasyon sa kalusugan ng mga pasyente.
Saklaw nito ang mga pampublikong health facility ng DOH, LGU at government-owned hospitals, at maaari itong palawakin sa mga pribadong ospital, klinika, diagnostic center at iba pang health service provider.
Tanging ang mga pasyente, awtorisadong kinatawan at accredited health facilities lamang ang papayagang makagamit ng EMR.
Maaari ring pahintulutan o bawiin ng pasyente ang access sa ilang sensitibong impormasyon, maliban sa medical emergencies at mga kasong kinakailangan ng batas.
Itatalaga sa DOH, Department of Information and Communications Technology (DICT) at PhilHealth ang pagtatatag ng sistema. Tutulong naman ang National Privacy Commission sa data protection, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa koordinasyon sa mga LGU health unit, at ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagkilala sa identidad ng mga pasyente.
Magkakaroon din ng hard copies ng EMR bilang backup records.