Tinukoy ng mga mananaliksik ang climate change bilang pangunahing dahilan ng mapaminsalang baha sa Nepal at Tibet na ikinasawi ng mahigit 1,300 na katao matapos maitala ang hindi pangkaraniwang mataas na temperatura bago gumuho ang isang glacier.
Dahil dito, nagsumite ang Nepal ng pormal na kahilingan sa UN Loss and Damage Fund para sa tulong-pinansyal upang matugunan ang pinsalang dulot ng baha, kabilang ang pagbibigay ng ebidensya na may kaugnayan ang sakuna sa krisis sa klima.
Nanawagan naman si Nepal Foreign Minister Shisir Khanal sa mga bansang may pinakamalaking greenhouse gas emissions tulad ng China at India na tanggapin ang kani-kanilang responsibilidad sa naturang kalamidad.
Samantala, sa isang panayam ng Star FM Bacolod kay Judy Pangani, Bombo International Correspondent sa Nepal, ibinahagi nito ang kaniyang naging karanasan sa kasagsagan ng nakamamatay na pagbaha.
Ayon kay Pangani, bagamat nag-panic siya sa gitna ng sakuna ay inuna pa rin niya ang seguridad at kaligtasan ng kaniyang mga anak.
---
Nakatakdang aprubahan ng US ang pagbenta ng hanggang 60,000 na bomba para sa bansang Israel.
Sa panibagong multibillion-dollar package deal sa pagitan ng dalawang bansa, nakatakdang ibenta ng US ang 60,000 na highly-destructive bombs kung saan ang bawat isa ay may bigat na 2,000 pounds o 907 kilograms.
Inaprubahan ng Trump administration ang naturang deal at opisyal na ring inimpormahan ang US Congress ukol dito.
Aabot sa $2.8 billion ang kabuuang halaga ng maipagkakaloob na kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig.
Maraming kritiko naman ang bumabatikos sa naturang deal dahil ito ay binubuo ng ilan sa pinaka-mapanganib na gamit pandigma sa kasaysayan.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung saan gagamitin ng Israel ang malaking bulto ng bomba habang nagpapatuloy ang giyera nito sa Middle East.
Ang mga bombang may bigat na 2,000lb ay kadalasang ginagamit para sa ground penetration at pagpapasabog sa mga underground bunker habang nagdudulot din ng malawakang pinsala sa mga open area.