Skip to content

September 16 - 6 am NEWS

September 16 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 16, 2026 | 7:48 AM

Binalaan ni Senator-Judge Lito Lapid na mabigat ang pananagutan ng mga opisyal na hindi nagdedeklara nang tama sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kasabay ng pagbusisi sa pagsirit ng yaman ni Vice President Sara Duterte mula P7.25 milyon tungong P98.66 milyon.

Bagama’t pinatawa ni Lapid ang impeachment court sa isa sa kanyang bihirang pagtayo sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte, seryoso ang kanyang punto na mabigat ang SALN, at may pananagutan ang sinumang opisyal na hindi nagdedeklara nang tama.

“Para malaman po ng ating mga kababayan, ang SALN po ay masyadong mabigat sa amin, lalo na kung hindi kami nagdeklara ng tama,” ani Lapid.

“Panonoorin n’yo na naman ako eh,” hirit pa ni Lapid.

Ikalawang beses pa lamang itong nagsalita at nagtanong ang karaniwang tahimik na senador sa impeachment trial. Una siyang sumingit noong Agosto upang usisain ang dating OVP disbursing officer na si Gina Acosta tungkol sa mga umano’y tumanggap ng confidential funds na kapareho niya ng apelyido.

---

Nalungkot si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga naiulat na pamamaril at iba pang insidente ng karahasan sa unang Bangsamoro parliamentary elections kahit sinabi ng Philippine National Police na generally peaceful and orderly ang halalan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ikinasaya ng Pangulo na may mga nasaktan sa halalan.

“Kahit isang tao lang ang masaktan, hindi ikasasaya ng Pangulo,” ani Castro.

Sinabi rin ni Castro na iniutos ni Marcos Jr. na bantayang mabuti at protektahan ang mga kababayan laban sa mga ganitong insidente.

Hindi bababa sa limang katao ang iniulat na nasawi habang nasa 19 ang nasugatan sa magkakahiwalay na pamamaril, pagsabog, at iba pang insidente noong araw ng halalan. (Aileen Taliping)