Inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa, sa botong 13-5-0, ang Senate Bill No. 2387 na magtatakda sa limang taong termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Dahil sa naturang panukalang batas na inihain ni Senator Francis “Chiz” Escudero, magkakaroon ng bagong electoral cycle at magreresulta ito sa pagpapaliban ng nakatakda sanang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028.
Ayon kay Escudero, layunin ng panukala na magkaroon ng mas tiyak at maayos na sistema sa lokal na pamamahala upang maiwasan ang paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan tuwing nagkakasabay ito sa pambansang botohan.
***
Inalis na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge ng mga kuryente, ayon sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 97-2026 na ipinalabas ngayong Letyembre 14, 2026 sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza.
Sa ilalim ng naturang circular na nagpapatupad sa ERC Resolution No. 26, Series of 2026, idineklara ang allowable system loss charge bilang isang government-mandated pass-through cost na hindi na isasama sa gross sales para sa VAT computation, kaya hindi na ito papatawan ng output VAT at creditable withholding sa VAT.
Ayon kay Commissioner Mendoza, ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick Go na magpatupad ng mga praktikal na solusyon upang maibsan ang pasanin ng mga mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin at singil sa kuryente.
**
Nagpalabas ng anunsyo ang pamahalaang lokal ng Cotabato City ukol sa schedule ng pasok ng mga mag-aaral at manggagawa mula Setyembre 15 hanggang Setyembre 18 bilang bahagi ng mga precautionary measure sa lungsod.
Layunin ng panuntunan na bigyang-daan ang masinsinang imbestigasyon ng mga awtoridad kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa panig ng pamahalaang lungsod, ipapatupad ang work-from-home arrangement para sa kaniyang mga empleyado sa mga nabanggit na petsa, maliban sa mga nakatalaga sa essential, health, emergency, disaster response, security, peace and order, at mga basic frontline service.
Suspendido naman ang in-person classes at nakatakdang eksaminasyon sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, ngunit pinapayuhan ang mga pasilidad na magpatupad ng asynchronous learning.