Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ang paglabas ng Pilipinas nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at kapatid na si Sen. Pia Cayetano.
“The Bureau of Immigration (BI) confirms that Senators Alan Peter Cayetano and Pia Cayetano are currently out of the country,” ayon sa statement ng BI.
“Based on BI records, there were no hold departure orders or derogatory records against the two senators, as of departure date, that would legally prevent them from leaving the country,” dagdag ng ahensiya.
Ang dalawa ay naispatan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Miyerkoles ng gabi habang papasakay ng kanilang flight patungong Singapore.
Sabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian, hindi na kailangang humingi ng travel authority ang dalawang senador kung personal trip ito at hindi official.
---
Ikinokonsidera ng House prosecution panel na ipatawag si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, bilang hostile witness sa Senate impeachment trial, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Huwebes.
Sinabi ni Ridon na pinag-aaralan ng prosekusyon kung ang testimonya ni Carpio ay tutugma sa Article 2 ng impeachment complaint, kung saan inaakusahan ang Bise Presidente ng pagkamal umano ng unexplained wealth.
Binanggit ni Ridon, bahagi ng prosecution panel na siyang magpriprisinta ng ebidensiya sa Article 2 kasama si Akbayan Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno, na maaari nilang ipatawag si Carpio kung lalabas ang pangalan nito sa mga financial record, at iba pang dokumento tungkol sa alegasyon laban sa Bise Presidente.
“Puwede pong pag-isipan, kasi siyempre kung halimbawa napapangalanan siya doon sa ilang mga bank account, kung napapangalanan po siya doon sa ilan pong mga dokumento, eh I think rightfully, puwede pong maipatawag para maitanong ‘yung katotohanan sa likod po ng mga dokumento na ito,” saad ni Ridon.
Nilinaw naman niya na sa kasalukuyan, hindi kasama si Carpio sa listahan ng testigo ng prosekusyon.
Ang inisyal na listahan ng testigo ng prosekusyon sa Article II ay kinabibilangan ng mga opisyal at kinatawan ng mga bangko, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue, at Securities and Exchange Commission.
Kinumpirma rin ni Ridon na nakuha na ng prosekusyon ang mga dokumento na sinubpoena ng Senate impeachment court, kabilang ang mga record sa bank accounts at corporate registrations.
Hawak na rin ng prosekusyon ang report mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagdedetalye sa P6.7 bilyong halaga ng financial transactions ng mag-asawa sa loob ng 20 taon.
Ang mga transaksiyon na ito ay iniulat ng mga bangko bilang covered at suspicious. Base sa AMLC report, P4 bilyon ang inflows habang P1.5 bilyon naman ang outflows.