Skip to content

September 10 - 8 am NEWS

September 10 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Sep 10, 2026 | 10:32 AM

Inilunsad ng Ukraine ang pinakamalalim na pag-atake nito sa loob ng Russia matapos targetin ng mga long-range drone ang dalawang gas facility sa Arctic na mahigit 3,000 kilometro ang layo mula sa border.

Ginamit ng Ukrainian Armed Forces ang mga murang FP-1 drone upang pinsalain ang mga kritikal na gas processing plant sa Novy Urengoy at Purovsky.

Tinawag ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na makatwiran ang naturang operasyon na nakatutok sa pagpapahina ng energy infrastructure ng Russia.

Ang naging target na rehiyon ng Yamalo-Nenets ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya ng Russia dahil dito matatagpuan ang halos 80 porsyento ng natural gas production ng bansa.

Inaasahang magdudulot ng malaking banta sa ekonomiya ng Russia ang bagong kakayahan ng Ukraine na maabot ang malalayong pasilidad ng langis at gas.

Samantala, nagdulot din ng pangamba sa European Union ang pag-atake dahil sa posibleng pagtaas ng presyo at shortage ng supply ng enerhiya ngayong papalapit ang taglamig.

---

Umabot na sa 1,002 bata ang nasawi at mahigit 187,000 ang nagkasakit dahil sa pinakamalalang outbreak ng tigdas sa Bangladesh.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang naturang bansa ngayon ang may pinakamalaking pagkalat ng tigdas sa buong mundo.

Nag-ugat ang krisis sa kakulangan ng bakuna dulot ng mga pagbabago sa policy at pampulitikang kaguluhan noong 2024 at 2025.

Bagama’t 18 milyong bata ang nabakunahan sa emergency drive noong Abril, humigit-kumulang apat na milyon pa rin ang hindi naabot.

Lalo pang nahihirapan ang mga ospital dahil sabay nilang kinakaharap ang pagdami ng kaso ng dengue sa bansa.

Patuloy namang naghahanap ang mga health team ng mga batang hindi pa nababakunahan upang mabawasan ang mga nasasawi.