Nilinaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na mali ang kumakalat na impormasyon sa social media na umaabot umano sa P1,503.84 ang halaga ng bawat kahon ng family food pack.
Ayon sa DSWD chief, P797.80 lamang ang aktuwal na halaga ng bawat prepacked family food pack.
Paliwanag ni Gatchalian, ang P1,503 ay ang approve¬d budget for the contract, na siyang maximum price na maaaring ialok, o gamiting batayan ng mga interesadong bidder at supplier.
Pagdidiin ng ahensiya, dumaraan sa competitive bidding ang mga produktong ipinamamahagi ng DSWD sa publiko.
Pinipili rin umano ang supplier na nag-aalok ng lowest responsive bid, at sumusunod sa lahat ng itinakdang technical requirements.
---
Nilinaw ni Senator-judge Vicente Sotto III nitong Martes, Setyembre 1, ang pagkakaiba sa pagitan ng alyas at pekeng pa-ngalan sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Naging paksa noong nakaraang linggo sa paglilitis ang tungkol sa paggamit ng alyas na naging tema ng pagtatanong ni Senator-judge Robinhood Padilla kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia.
Ayon kay Sotto, pinapayagan lamang ang paggamit ng alyas para sa pseudonyms sa literatura, pelikula, telebisyon, at iba pang entertainment purposes.
“Therefore, if there is a person behind the alias, then it is an alias. If there is no person behind the name, it is a fictitious name or a fake name. So just for the record, Mr. President,” paliwanag ni Sotto.
Sa isyu ng confidential fund kung saan lumabas ang mga alyas na “Piattos, Pagong, Pusa, Belat” at iba pa, binanggit ni Padilla na kahit ang mga bayani ng bansa gumamit ng alyas at kahit si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr ay may alyas din na “Marcial Bonifacio”. (Dindo Matining)
---
Nanawagan ang Malacañang sa mga opisyal ng gobyerno na maging sensitibo sa kanilang pananamit at kilos kapag humaharap sa mga kababayang biktima ng baha.
Ito ay matapos punahin ang ilang opisyal na nakitang naka-designer o branded na damit habang iniinspeksiyon ang mga lugar na sinalanta ng baha.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, hindi naman nasusukat sa damit ang serbisyo ng isang opisyal.
“Ang pagseserbisyo po ay hindi nakikita sa damit. Nakikita po ito sa gawa,” diin ni Castro.
Gayunman, sinabi niyang dapat pa ring isaalang-alang ng mga opisyal ang kalagayan ng kanilang mga kababayan.
“Siguro kailangan din maging sensitive kasi lalong-lalo na kung ‘yung mga kababayan natin ay nakakaramdam ng hirap, trauma at kalungkutan,” dagdag niya.
Humingi naman ng paumanhin si Pampanga Gov. Lilia Pineda matapos siyang mabatikos kasama ang anak na si Vice Gov. Dennis Pineda na nakasuot ng Prada, Burberry at Balmain sa inspeksiyon ng baha sa Pampanga.
Paliwanag ni Gov. Pineda, nakaugalian na umano nila na paggising sa umaga “kung ano lang ang madampot mo, ‘yun lang ang isusuot mo.”