Hiniling ng consumer advocacy group na Malayang Konsyumer sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) na magsagawa ng agaran at tuloy-tuloy na crackdown laban sa pagdami ng counterfeit goods sa mga e-commerce platform.
Sa sulat kay IPOPHL Director General Teodoro C. Pascua, sinabi ng grupo na bagama’t mataas ang takedown rates ng mga platform, nananatiling laganap online ang mga pekeng produkto na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili.
Iniulat ng Lazada ang 85.5 porsiyentong proactive takedown rate laban sa counterfeit listings mula Hunyo 2024-Mayo 2025, habang 93.6 porsiyento naman ang Shopee. Samantala, nakapaglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) E-Commerce Bureau ng 171 Takedown Orders at 67 Compliance Orders mula Hunyo-Disyembre 2025, at karagdagang 268 Takedown Orders at 105 Compliance Orders sa unang kalahati ng 2026.
Sa kabila nito, umabot pa rin sa P18.64 bilyon ang halaga ng counterfeit goods na nasamsam ng National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR) mula Hunyo 2024-Mayo 2025.
Ayon kay Malayang Konsyumer convenor Mark Jansen Magsano, patuloy na nakikita ng kanilang mga miyembro ang pirated at trademark-infringing products online, na hindi lamang paglabag sa intellectual property rights kundi maaari ring magdulot ng panganib sa consumers.
Kabilang sa mga tinukoy na high-risk products ang gamot, vitamins, health supplements, at beauty products na maaaring may toxic chemicals; substandard electronics at gadgets na maaaring magdulot ng sunog o electrocution; at adhesives, sealants, at building materials na maaaring humantong sa structural failure at toxic inhalation.
Maaari rin umanong may nakatagong health risks ang mga pekeng damit, sapatos, laruan, at pabango.
Dahil dito, hiniling ng grupo sa IPOPHL na gamitin nang mas agresibo ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Intellectual Property Code. Kabilang sa mga panukala ang motu proprio investigations, pag-isyu ng compliance at takedown orders, pakikipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission (NTC) para sa site-blocking, at pagkansela ng business permits ng mga repeat violator.
Iminungkahi rin ang pag-isyu ng cease-and-desist orders, seizure at condemnation ng counterfeit goods, forfeiture ng manufacturing equipment, at pagpapataw ng pinakamataas na administrative fines, kabilang ang mas mahigpit na pagpapatupad laban sa unfair competition, trademark infringement, at digital piracy.
Giit ni Magsano, kailangan ng mga Pilipino ng mas ligtas na digital marketplace kung saan sumusunod ang sellers sa batas at napapanagot ang mga lumalabag, bago pa magkaroon ng mas malalang insidente na may kinalaman sa kalusugan at kaligtasan.
---
Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na ipaglalaban ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS), pero sa mapayapa at legal na paraan.
Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong Lunes, sinabi ni Marcos na hindi lang militar, at mga ahensiya ng gobyerno ang may responsibilidad na protektahan ang teritoryo ng bansa.
“Ipaglalaban natin ang ating mga karapatan sa paraang mapayapa, naaa¬yon sa batas, at naaayon sa ating mga prinsipyo,” sabi ng Pangulo.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang paninindigan ng Pilipinas lalo na ngayong 10 taon na mula nang ilabas ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa maritime entitlements ng bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Sinabi niya na dapat turuan ang kabataan kung saan nagmumula ang maritime rights ng Pilipinas at kung bakit mahalagang malaman at maunawaan ang mga ito. (Prince Golez)