Skip to content

October 9 - 8 am NEWS

October 9 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 09, 2026 | 10:02 AM

Inihayag ni United States Defense Secretary Pete Hegseth na magiging bukas sa publiko at ilalabas sa livestream ang pagpapatupad ng parusang bitay laban sa dating US Army psychiatrist na si Nidal Hasan na pumatay ng 13 katao sa Fort Hood military base noong 2009.

Isasagawa ang execution sa pamamagitan ng firing squad sa Disyembre 3 sa ganap na 1:00 ng hapon (US Central Time) sa mismong Fort Hood sa Texas, ang eksaktong oras at lugar kung kailan nangyari ang pamamaril.

Ipinagtanggol ni Hegseth ang desisyon at sinabing dapat makita ng publiko ang proseso upang maipakita ang mabigat na kahihinatnan ng mga ganitong uri ng krimen, matapos aprubahan ni Pangulong Donald Trump ang paggamit ng firing squad.

Nahatulan ng parusang kamatayan si Hasan noong 2013 dahil sa 45 bilang ng premeditated murder at attempted murder matapos siyang mamaril sa loob ng pasilidad ng militar habang sumisigaw ng “Allahu akbar.”

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Estados Unidos na isasahimpapawid sa telebisyon o online ang isang pederal o militar na eksekyuson, habang huling gumamit ang US military ng firing squad para sa parusang bitay noong 1945.

---

Niyanig ng ilang malalakas na pagsabog ang northern strategic area ng Strait of Hormuz matapos masagi ang naval mine ng ilang oil tanker na dumadaan sa naturang karagatan.

Batay sa ulat na nagmula sa militar, posibleng na-trigger ng mga barko ang mga nakatagong underwater explosive dahil sa pagdaan sa mga hindi awtorisadong maritime corridor.

Wala pang ibinibigay na opisyal na detalye ang mga awtoridad ukol sa pagkakakilanlan ng mga naapektuhang oil tanker, bilang ng mga nasugatang crew, o ang kabuuang pinsalang idinulot ng mga pagsabog sa mga barko.

Paulit-ulit nang nagbabala ang Iran laban sa mga sasakyang pandagat na gumagamit ng mga rutang walang pahintulot mula sa Tehran, na lalong nagpataas ng tensyon at pangamba sa seguridad ng kalakalan ng langis sa narrow waterway na ito.

Nangyari ang insidente sa gitna ng nagpapatuloy na hidwaan sa rehiyon, kung saan nananatiling kritikal ang seguridad sa Strait of Hormuz para sa pandaigdigang suplay ng enerhiya at transportasyon ng langis.