Skip to content

October 9 - 7 am NEWS

October 9 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 09, 2026 | 8:27 AM

Bigo ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na umiwas sa pagharap sa kaso dahil sa kanyang 'di umano'y humihinang kalusugan.

Napagpasyahan ng International Criminal Court (ICC) na fit to stand trial si Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder, ayon sa desisyong isinapubliko noong Oktubre 8.

"THE CHAMBER IS SATISFIED that the Accused is able to effectively exercise his fair trial rights in the proceedings and is therefore fit to stand trial," sabi sa desisyon.

Ayon sa ICC, kayang intindihin ni Duterte ang mga proseso sa korte at kaya rin niyang gamitin ang kanyang mga karapatan sa patas na paglilitis, sa kabila ng mga isyu kaugnay ng kanyang kalusugan.

Ibinasura rin ng ICC Trial Chamber III ang hiling ng depensa na magsagawa ng mga karagdagang medical examinations at kuwestiyunin ang panel ng mga eksperto na sumuri sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis.

Ibinatay ng chamber ang kanilang desisyon sa mga ulat ng panel ng tatlong medical experts na sumuri kay Duterte at nagsumite ng kanilang reports noong Agosto 21.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang madugong kampanya kontra droga mula 2013 hanggang 2018, noong Davao City mayor siya at pangulo.

Nakatakdang magsimula ang kanyang trial sa Nobyembre 30, 2026.

---

Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magbabawal sa mga wala pang 18 taong gulang na gumamit ng ilang high-risk social media at digital platforms.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Techno­logy for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, higpitan ang akses ng mga menor-de-edad sa mga digital service na ituturing na may mataas na panganib, kabilang ang ilang social media platforms. Labing-anim na senador ang bumoto pabor sa panukala, isa ang kumontra, at walang nag-abstain.

Kapag naisabatas, obligado ang mga high-risk digital service provider na pigilan ang mga wala pang 18 taong gulang na gumawa o gumamit ng account sa kanilang mga platform. Kailangan din nilang magpatupad ng age-assurance measures upang matiyak ang edad ng mga gumagamit.

Hindi saklaw ng panukala ang email services, private messaging apps, educational platforms, news services, professional collaboration services, at online games na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking.

Ayon kay Sen. ­Robinhood Padilla, sponsor ng panukala, layunin nitong maprotektahan ang mga bata laban sa online harm at iba pang digital risks, habang isinusulong ang ligtas na pagkatuto at maayos na pag-unlad ng kabataan.

Kapag naging batas, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangangasiwa sa pagpapatupad nito at magtatatag ng platform para sa pagsusumbong ng mga posibleng paglabag.

Maaaring pagmultahin ng P5M-P2M kada paglabag ang mga mapatutunayang lumalabag na digital service provider, bukod sa P100,000 arawang multa habang hindi sumusunod sa batas.

Samantala, ang mga magulang o legal guardian na sadyang tutulong sa pag-iwas sa age-assurance mechanisms ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000, patawan ng community service, at obligahing dumalo sa mga seminar sa digital parenting at child safety.