Kinumpirma ng Malacañang na dadalo si Pangulong Bongbong Marcos sa Formula 1 Grand Prix sa Singapore.
"Mahalaga sa mga ganitong event na magkakila-kilala talaga, lalo na ang mga a-attend dito ay karamihan mga negosyante, matataas na leader," ani Palace Press Officer Claire Castro ngayong Biyernes, Oktubre 9.
Dagdag ni Castro, inimbitahan daw si Marcos ni Singaporean Prime Minister Lawrence Wong na dumalo sa naturang event.
"Sa mga ganoong mga klase na imbitasyon, hindi lang sila manonood. Mas marami rito ang usapan," aniya.
Ayon kay Castro, minsan ay may mga negosyanteng nag-aalok na maaaring mamuhunan sa bansa sa mga naturang okasyon.
Sinagot naman niya ang mga kritiko sa pagdalo ni Marcos sa mga event, at sinabing hindi nawawala ang pagiging pangulo niya "kahit isang segundo."
Dumating si Marcos sa Singapore nitong Miyerkules, Oktubre 7, para sa kanyang limang araw na working visit sa bansa.
Umani siya ng batikos noong 2022 at 2023 sa kanyang pagdalo sa F1.
---
Gumamit ng water cannon ang China Coast Guard (CCG) laban sa isang Philippine Coast Guard (PCG) vessel habang nagsasagawa ang PCG ng emergency medical evacuation sa Ayungin Shoal.
Inilikas ng PCG nitong Huwebes, Oktubre 8, ang isang tauhan ng Philippine Navy na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa shoal.
Ayon sa PCG, ipinadala nito ang BRP Cabra mula sa Lawak Island. Nang makarating ang barko sa layong 9 nautical miles sa hilaga ng Ayungin Shoal, gumamit ng water cannon ang CCG vessel 5306 para umano'y paalisin ang BRP Cabra mula sa shoal.
Hindi natamaan ang BRP Cabra at lumayo ito mula sa Ayungin Shoal para panatilihing ligtas ang barko at mga sakay nito. Nanatili rin itong nakikipag-ugnayan sa CCG sa pamamagitan ng radyo.
Dahil sa pagharang ng mga barko ng CCG, naantala ang misyon nang halos sampung oras.
"A transfer like this would normally take only a few hours. It took nearly ten because of the CCG's water cannon use, its persistent harassment and blocking, and its dangerous maneuvers against PCG assets," ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.
Dagdag ni Tarriela, ang paggamit ng water cannon habang isinasagawa ang isang humanitarian mission ay "dangerous" at "unlawful" dahil inilalagay nito sa panganib ang mga buhay ng mga nasa dagat at nilalabag ang "basic standards of maritime conduct."
Habang isinasagawa ang operasyon, binantayan din ng PCG ang mga CCG vessels 5306, 5009, at 21585; Chinese maritime militia vessel Qiongsanshayu 00119; at People's Liberation Army Navy warship 628.