Tatlo ang nasawi habang 36 ang sugatan matapos atakehin ang dalawang paliparan sa Saudi Arabia, kasabay ng paglala ng labanan sa Yemen.
Ayon sa Saudi civil aviation authorities, isang tao ang namatay at walo ang nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh.
Dalawa naman ang nasawi at 28 ang sugatan sa pag-atake sa mga pasilidad ng Abha Airport.
Inako ng grupong Houthi ang pananagutan sa ilang pag-atake, kabilang ang paggamit ng mga drone laban sa paliparan sa Riyadh.
Bilang tugon, naglunsad naman ng mga pag-atake ang Saudi-led coalition laban sa mga target ng Houthis sa Yemen.
Ayon sa coalition, mahigit 80 Houthi military sites ang kanilang tinarget sa mga lalawigan ng Saada, Hodeidah, Jawf at Marib.
Samantala, inatake rin ng Houthis ang Aden International Airport sa Yemen gamit ang mga missile at drone.
Ayon sa Yemeni Transport Ministry, tumama ang isang missile malapit sa runway ilang minuto bago ang nakatakdang paglapag ng isang flight mula Cairo.
Dahil dito, hindi itinuloy ng eroplano ang paglapag at sa halip ay inilipat ang flight nito sa Jeddah, Saudi Arabia.
Patuloy na tumitindi ang labanan sa Yemen, na nagresulta rin sa paglikas ng mahigit 200,000 katao, ayon sa International Organization for Migration.
---
Inaresto ng Sri Lanka ang kanilang dating first lady na si Shiranthi Rajapaksa sa pagkasangkot nito sa umano’y katiwalian sa paggamit ng pondong nakalaan para sa isang children’s hospital nitong Miyerkules, Oktubre 7.
Hinggil ito sa 10 million rupees o $30,300 na halaga ng donasyon na nakolekta ng Siriliya Saviya charity ni Rajapaksa para sa positron emission tomography (PET) scanner para sa isang cancer hospital ng mga batang Sri Lankan.
Batay rin sa nagdaang imbestigasyon, donasyon ng Chinese government ang nasabing scanner ngunit sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin ang charity ni Rajapaksa sa pangangalap ng donasyon at umano’y ginamit pa sa katiwalian.
Inaresto ang 73 taong gulang na asawa ni dating presidente Mahinda Rajapaksa sa bahay nito sa lungsod ng Colombo at nakatakdang humarap sa hukuman, ayon sa Commission to Investigate Allegations of Bribery or Corruption (Ciaboc).
Ayon sa mga ulat, galing sa Singapore nitong Setyembre 16 upang magpalunas ng sakit nang hainan ito ng utos ng kanilang hukuman na magbigay-pahayag ukol sa kaniyang charity.
Nitong Lunes, lumipad pabalik sa Sri Lanka si Rajapaksa para maghain ng petisyon laban sa kaniyang pag-aresto ngunit ang pagdinig para sa paunang piyansa ay nakatakda pa sa Oktubre 12.
Itinanggi naman ng dating first lady na mayroon itong kinalaman sa mga ipinaratang laban sa kanya dahil aniya’y hindi naman winaldas ang nakalap na pondo ng kaniyang charity.
Halos dalawang dekada namuno ang pamilya ng Rajapaksa sa Sri Lanka at gayundin nasangkot ang ibang miyembro ng kanilang pamilya sa mga alegasyong korapsyon. Noong 2022, napatalsik sa pwesto bilang presidente ang kapatid ni Mahinda na si Gotabaya Rajapaksa sa ikinasang malawakang protesta ng mga Sri Lankan.