Skip to content

October 8 - 7 am NEWS

October 8 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 08, 2026 | 8:50 AM

Hiniling nina Senator-Judges Robin Padilla at Christopher “Bong” Go sa Supreme Court (SC) na ibalik ang 16-vote requirement para ma-convict ang isang impeachable official.

Sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain kasama ang PDP-Laban, kinuwestiyon ng mga petitioner ang ruling ng Senate Impeachment Court na ang two-thirds vote ay dapat ibatay sa mga senador na “legally and factually capable of participating” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Pinalitan ng ruling ang naunang desisyon ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero noong Hulyo 6 na nagsabing 16 boto ang kailangan para sa conviction ng isang impeachable official.

Ayon sa mga petitioner, hindi ginagamit ng Konstitusyon ang mga terminong “present”, “voting” o “able to participate” pagdating sa bilang ng mga senador. Ang nakasaad umano rito ay “all the Members of the Senate.”

Binanggit din nila ang September 30 ruling ng SC na nagbasura sa tatlong naunang petisyon laban sa kaparehong ruling dahil sa procedural grounds, kabilang ang kawalan ng legal standing at prematurity.

Ayon kina Padilla at Go, naiiba ang kanilang petisyon dahil kabilang sila mismo sa mga petitioner bilang mga nakaupong Senator-Judges na direktang maaapektuhan ang kanilang mga boto at tungkulin sa impeachment court.

Hiniling din ng mga petitioner sa SC ang agarang pag-isyu ng Status Quo Ante Order o Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Injunction habang dinidinig ang kanilang petisyon. (Prince Golez)

---

Tinatayang 366 pasahero ang stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos kanselahin ang kanilang flight patungong Riyadh, Saudi Arabia nitong Huwebes, Oktubre 8, dahil sa tensiyon sa Middle East.

Sa exclusive report ng Abante, karamihan ng mga stranded ang mga overseas Filipino workers (OFW), kabilang ang ilang first-time OFW na excited sanang makaalis para simulan ang kanilang trabaho.

Nadismaya naman ang mga pasahero dahil nakatakda sanang umalis ng alas-11:35 ng umaga ang Philippine Airlines flight PR-654 patungong Riyadh, ngunit tuluyan itong kinansela kasunod ng ulat tungkol sa panibagong pagsabog sa Riyadh.

Dahil sa kanselasyon, napilitan ang mga pasahero na manatili muna sa NAIA Terminal 1 habang hinihintay ang bagong iskedyul ng kanilang flight.

Ayon naman sa nakalap na impormasyon, ang mga pasaherong walang matutuluyan sa Metro Manila ay bibigyan ng hotel accommodation habang inaayos ang kanilang sitwasyon. (Angelica Malillin)