Posibleng maging kandidato sa money laundering ang Cale88 Foods Corp., ang kompanyang konektado sa mister ni Vice President Sara Z. Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ito ang ibinabala ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura matapos siyang tanungin ni Senate President Sherwin Gatchalian sa impeachment trial ni Duterte nitong Martes, Oktubre 6.
Nahihiwagaan si Gatchalian kung bakit ang Cale88, na may paid-up capital lamang na P125,000, ay nagkaroon ng “inflows” na P776.6 milyon at “outflow” na P154.6 milyon mula 2022 hanggang 2025 base sa summary of transactions ng 15 korporasyong konektado sa Bise Presidente at kanyang mister.
Si Buenaventura ang nagsumite ng summary sa impeachment court noon pang nakaraang Huwebes.
“Ang sales nila since 2021 was only P23 million, assets nila P18 million, and liabilities ay P20 million,” paglalahad ng Senate chief.
Binanggit ni Gatchalian na may dalawang binigay na rason ang covered institutions kung bakit itinuring nilang “suspicious transactions” ang inward remittance sa Cale88.
Ito aniya ay dahil sa walang “underlying legal or trade obligation, purpose or economic justification” at ang halagang sangkot “is not commensurate with the business or financial capacity of the client.”
“Kasi kung hindi mahanap sa libro ‘yung P776 million, candidate ba itong Cale88 for money laundering? In your expert opinion, at experience mo, dapat ma-reflect yan sa books di ba?” tanong ni Gatchalian.
“As a starting point po, it’s difficult to say. As starting point, maaari po, but we have to consider all other factors,” sagot naman ni Buenaventura.
Tanong uli ni Gatchalian, “Pero puwede siyang candidate for money laundering?”
“Kung candidate lang po, yes, but we have to consider all other factors,” sagot ng testigo.
Muli namang nagtanong si Gatchalian kung ano ang gagawin ng AMLC kung ang isang korporasyon ay klinasipikang kandidato sa money laundering.
“In general lang po, we have to determine kung ano po ‘yung unlawful activity na maaaring pinanggalingan ng pera, or naging transaction dun sa pera,” paliwanag ni Buenaventura sabay banggit sa mga predicate offense tulad ng kidnapping for ransom, drug trafficking, at graft and corruption.
“The proceeds must come from illegal activity,” dagdag ni Buenaventura.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang abogado ni Duterte na malinis ang mga perang pumasok sa negosyo ni Atty. Carpio at hindi totoong nanggaling sa China.
---
Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) na ibasura ang petisyon na kumukuwestiyon sa batas na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK).
Sa Comment ng OSG sa petisyon ni Atty. Romulo Macalintal, hiniling din nitong huwag maglabas ang Korte ng Temporary Restraining Order (TRO) o Status Quo Ante Order laban sa Republic Act No. (RA) 12326.
Ipinagpapaliban ng batas ang BSK Elections mula Nobyembre 2026 hanggang Nobyembre 2028.
Ayon sa OSG, hindi simpleng pagpapaliban ng halalan ang ginawa ng Kongreso. Ang RA 12326 ay isang term-fixing law na nagtakda ng limang taong termino sa halip na apat na taon.
Nasa Kongreso ang kapangyarihang magtakda ng haba ng termino ng mga lokal na opisyal, alinsunod sa Article 10, Section 8 ng 1987 Constitution, ayon pa sa OSG. (Prince Golez)