Skip to content

October 6 - 6 am NEWS

October 6 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 06, 2026 | 7:39 AM

Itinanggi ng Chinese Embassy ang umano’y pagpapadala ng pondo ng China sa isang political faction sa Pilipinas.

Sa pahayag ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng, tinawag niyang “false narrative” ang ikinakalat ng isang politiko sa bansa.

Hinikayat pa nila ang mga sangkot na indibidwal na itigil ang umano’y political manipulation at huwag idamay ang domestic politics sa relasyong Pilipinas at China.

“We strongly condemn and firmly oppose such malicious rhetoric and actions,” diin ni Ji.

Noong nakaraang Biyernes, isiniwalat ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na nakatanggap umano ng daan-daang milyong piso si Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio mula sa Chinese government sa pamamagitan ng Cale88 Foods Corp.

Binanggit din ng dating senador na ang Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines Inc. ni Duterte ay nakatanggap ng P150 milyon mula sa Chinese Embassy para sa konstruksiyon ng 13 classroom.

---

Nagulat umano si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III habang naghahandang lumipat sa kanyang bagong tanggapan sa ika-anim na palapag ng Senado.

Sa ulat ng Politiko, sinabi ng isang senador na inalis na ang mga naka¬kabit na gamit at bahagi ng opisina na dating inookupahan ni Senador Jinggoy Estrada bago pa man lumipat si Sotto, kabilang ang furniture, tiles, toilet, light switches, door jambs, wall panels at mga bahagi ng drywall.

“Walang iniwan. Pati tiles, inidoro, light switch, hamba ng pintuan, wall panels at dry walls, tinanggal. Nagmistulang construction site,” anang senador sa Politiko.

Sinabi naman ng impormante mula sa Senado na nagulat si Sotto nang makita ang estado ng opisina, na tradisyonal na nakalaan para sa mga miyembro ng liderato ng Senado sa 6th floor.

Dahil dito, napaisip ang impormante kung may natitira pang sama ng loob sa panig ni Estrada kaugnay ng pagbabago sa pamunuan ng Senado.

“Grabe. Bitter na bitter pa rin ba si Jinggoy? Pati opisina, dinamay,” tanong ng impormante.

Si Sotto ay nahalal bilang Senate President Pro Tempore noong Hunyo matapos ang panibagong pagbabago sa liderato ng Senado na nagluklok kay Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President.