Bumaba ng 29.75 porsiyento ang naitalang focus crime ng Philippine National Police (PNP) mula Hulyo hanggang Setyembre 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon kay PNP chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa 7,233 kaso ang naitala ngayong taon, mas mababa ng 3,063 kaso kumpara sa 10,296 noong nakaraang taon.
Sa Setyembre lamang, bumaba sa 2,063 ang mga kaso mula sa 3,226 noong 2025, katumbas ng 1,163 o 36.05 porsiyentong pagbaba.
Ayon kay Nartatez, nakatulong sa pagbaba ng krimen ang pagpapalakas ng police patrol at iba pang operasyon, kabilang ang pagpapanatili ng presensya ng mga pulis sa mga lansangan upang mabilis na makatugon sa mga insidente.
Patuloy din aniya ang kampanya laban sa loose firearms, ilegal na droga at terorismo.
Gayunman, sinabi ni Nartatez na hindi dapat magpakampante ang PNP sa pagbaba ng mga kaso at kailangang ipagpatuloy ang mga operasyon upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng publiko. (Edwin Balasa)
---
Hiniling ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang masiguro ang kaligtasan at makaiwas sa karahasan.
Kasunod ito ng mga insidente ng karahasan na nangyari sa Tacloban City, Zamboanga City at South Cotabato kung saan may mga estudyanteng nasawi at nasugatan.
Sa kanyang pagbisita sa isang paaralan sa Santiago City, Isabela, sinabi ng Pangulo na mahalagang mabantayan ang kabataan upang hindi maimpluwensiyahan ng pananakit at karahasan.
Katuwang aniya ang mga guro at pulis, mahalagang mabantayan ang mga kabataan at maging alerto kung mayroong hindi magandang nararamdaman o naliligalig ang mga ito.
Sinabi ng Pangulo na mas mainam na nalalaman kaagad kung may nararamdaman ang mga anak, tulad ng depression, masyadong galit at iba pa upang maagapan ang mga hindi inaasahang problema. (Aileen Taliping)