Skip to content

October 30 - 7 am NEWS

October 30 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 30, 2026 | 9:02 AM

Ibinunyag ng state witness at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo nitong Huwebes na lahat ng proyekto ng DPWH ay may commitments, kickbacks, at proponents.

Ibinahagi ito ni Bernardo sa bail hearing ng plunder case ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan Third Division.

Sa naturang hearing, inusisa ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda kung ang kickback scheme ay limitado lamang sa flood control projects.

Ayon naman kay Bernardo, hindi masama kung umaaktong projec¬t proponent ang isang mambabatas. Ang masama umano ay kung may kapalit na kickback dito.

Nilinaw ni Bernardo na hindi nag-request si Romualdez ng anumang proyekto sa DPWH, at wala rin siyang pag-uusap sa dating Speaker tungkol sa anumang proyekto.

Aniya, nakonsiyensiya siya sa mga naririnig tungkol sa flood control controversy, kung kaya’t nakipagtulungan siya gobyerno na malantad ang katotohanan sa isyu.

Ilan sa mga binunyag ni Bernardo ay ang 20% commitment fee sa mga proyekto ni dating Senador Grace Poe, habang ang commitment fee naman ni Senador Jinggoy Estrada ay naglalaro sa pagitan ng 18% hanggang 25%.

Itinanggi na nina Poe at Estrada ang pagkakasangkot sa kickback scheme.

Idinagdag pa ng state witness na ang pinakamataas na commitment fee ay nasa 30%, pero narinig lang umano niya ito sa district engineers.

Bukod sa mga mam¬babatas, pribadong indibiduwal, contractor, at iba pang may impluwensiya sa national budget, nagsisilbi rin umanong project proponent ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management.

Sinabi pa ni Bernardo na noong district engineer pa lamang siya sa Maynila noong 2002, alam na niya ang kalakaran ng mga mambabatas na humihirit ng proyekto sa DPWH kapalit ng kickback.

---

Maaaring sumabit sa tax evasion si Vice President Sara Z. Duterte, bunsod ng P111.85 milyong agwat sa dineklara niyang kita at mga bank deposit na binusisi sa impeachment trial, ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Sinabi ni Alonto Adiong na hindi lang sa umano’y unexplained wealth makukuwestiyon si Duterte kundi sa katotohanan ng dineklara niyang income at kung nagbayad siya ng tamang buwis.

“Hindi lang ho ito issue ng non-disclosure or unexplained wealth. This is also an issue of tax evasion,” babala ni Alonto Adiong sa press briefing.

Tinukoy niya ang mga financial record na nagpapakita ng P174.96 milyon na bank inflows kumpara sa P63.11 milyong dineklarang income mula 2022 hanggang 2025, o agwat na P111.85 milyon.

Ang datos ay bahagi ng findings ni forensic accounting expert Alexander Cabrera, na siyang bumisisi sa mga income tax returns, bank records, at iba pang financial documents ni Duterte na iprinisinta sa Senate impeachment trial.

Isinama ni Cabrera ang P111.85 milyon na umano’y undeclared income sa estimate nitong P817.87 milyon na unexplained wealth at undeclared assets ni Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Binanggit ni Alonto Adiong na nais ng prosekusyon na pagpaliwanagin si Duterte sa source ng mga bank deposit at kung bakit magkaiba ang income na inire-report niya sa Bureau of Internal Revenue.

Ang discrepancy na ito ay bahagi ng Article 2 ng impeachment complaint, kung saan inaakusahan si Duterte ng pagkamal ng unexplained wealth at bigong isiwalat ang kanyang mga asset.

Nanindigan ang prosekusyon na dapat ipaliwanag ng sinumang public official ang kanilang yaman at ipakita na ang kanilang mga asset ay nanggaling sa legal na paraan.

Itinanggi na ni Duterte na mayroon siyang ginawang mali, habang kinuwestiyon namang ng kanyang mga abogado ang ebidensiya at konklusyon ng prosekusyon.

Magbabalik sa Nobyembre 9 ang impeachment trial ni Duterte sa Senado. (Bernard Taguinod)