Skip to content

October 28 - 6 am NEWS

October 28 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 28, 2026 | 7:42 AM

Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na gawing makabuluhang pamumuhunan at kabuhayan ang agribusiness sa pamamagitan ng pagdalo sa mga espesyal na forum sa kanilang pagbabalik sa bansa.

Maraming manggagawa ang lumahok sa naturang Agribiz forum upang matutunan kung paano gagawing matagumpay na negosyo sa agribusiness ang kanilang mga naipon at karanasan sa tulong ng DA, OWWA, at ng embahada.

Binigyang-diin ng pamahalaan na layunin ng mga ganitong programa na mas mapadali ang pag-access ng mga manggagawa sa mga serbisyo at suporta para sa agribusiness upang maging handang agripreneur.

Ipinunto rin nito na ang mga ipon mula sa ibang bansa ay may malaking potensyal na maging puhunan sa mga produktibong proyekto sa agribusiness para sa pamilya at komunidad.

Tinalakay sa mga sesyon ng forum ang iba’t ibang estratehiya sa pagtatayo ng agribusiness, tamang pagpaplano, at mga serbisyong pinansyal mula sa mga kaukulang ahensya.

Ayon sa DA, mahalagang magsimula ang paghahanda sa pamamagitan ng mga ganitong Agribiz forum bago pa man umuwi ang mga OFW upang matiyak na mayroon silang matatag na kabuhayan sa kanilang pagbabalik.

---

Handang muling tumestigo si Transportation Secretary Vince Dizon sa mga susunod na paglilitis kaugnay ng flood control scandal, kabilang ang kasong kinakaharap ng dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Ayon kay Dizon, susundin niya ang anumang kailangan ng Office of the Ombudsman upang maipagpatuloy ang mga kasong isinampa laban sa mga personalidad na sangkot sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Huling tumestigo si Dizon noong Setyembre 23 sa graft case ni Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa isang proyektong nagkakahalaga ng 289.4 milyong piso sa Naujan, Oriental Mindoro.

Personal ding siniyasat ni Dizon ang naturang proyekto at sinabi niyang substandard ang mga ginamit na sheet pile.