Hindi dapat pangunahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang magiging desisyon sa pagpili ng ipapalit kay Vice President Sara Duterte sakaling tuluyang mapatalsik ito ng Senate Impeachment Court, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
“Huwag niyang pakialaman. Huwag niyang pangunahan. Kasi Pangulo ‘yung namimili. Of course, subject to the confirmation ng Congress. Pero huwag niyang pangunahan,” pahayag ni Lacson sa panayam ng mga reporter nitong Lunes, Oktubre 26.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos himukin ni Cayetano ang mga kapwa senator-judge, kagaya ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, na ideklara na rin na hindi nila tatanggapin ang posisyon sa pagka-bise presidente sa oras na ma-impeach si Duterte.
“It’s too early. Sa akin, ayoko, dapat hindi muna natin pinag-uusapan kung sinong magiging vice president or i-appoint as vice president,” diin naman ni Sen. JV Ejercito. (Dindo Matining)
---
Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Lunes na mag-uutos siya sa Office of the Ombudsman na bumuo ng isang study group upang matukoy ang mga taong may pananagutan sa pambansang badyet nitong nakaraang mga taon.
Sinabi ito ni Remulla matapos ideklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang ilang probisyon ng 2024 at 2025 national budget, pati ang mahahalagang unprogrammed appropriations (UA), o mga standby fund ng pamahalaan, sa 2026 budget.
“I will compose a group that will study the Supreme Court decision and the budget that came with the decision so we could study the details thoroughly,” ani Remulla nitong Lunes, Oktubre 26.
Dagdag niya, lagi nilang sinusuri ang mga desisyon ng Korte Suprema pagdating sa pagtukoy ng pananagutan.
“We have to act. So we will study all of that and look at where the fault was and how to make people explain their side or at least be made responsible for what they did,” aniya. (Issa Santiago)