Nasawi ang hindi bababa sa 16 katao matapos tumama ang magnitude-7 na lindol sa Tibet Autonomous Region sa China nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 22.
Batay sa mga ulat, umabot na sa 65 ang mga nasugatan habang gumuho naman ang hindi bababa sa 339 na bahay at 20 kulungan ng mga hayop sa lungsod ng Nagqu.
Naitala ang lindol dakong alas-10:33 ng gabi, oras sa China, na may sentrong lindol na nasa layong 191 kilometro hilagang-silangan ng Nagqu at lalim na 18 kilometro.
Nagpakalat ang mga awtoridad ng mahigit 1,600 tauhan upang tumulong sa search and rescue operations at pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong residente.
Kabilang sa mga ipinadala ang mga pansamantalang matitirhan, tent, folding bed, flashlight at damit na panlamig.
Iniulat din ng mga awtoridad ang daan-daang aftershock kasunod ng malakas na pagyanig, habang patuloy ang pagsusuri sa pinsala at pagtulong sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.
Ayon sa ulat, ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa rehiyon sa nakalipas na limang taon.
Patuloy ang monitoring at relief operations sa lugar.
---
Nasa daan-daang domestic flights ang opisyal nang kinansela sa Taiwan at Japan habang naghahanda ang buong rehiyon ng Silangang Asya sa inaasahang pagtama ng Bagyong Champi.
Dahil sa banta ng malalakas na hangin at matitinding pag-ulan, halos 125 lipad, mga biyahe ng barko, at operasyon ng tren ang pormal na sinuspinde sa Taiwan.
Samantala, nag-anunsyo rin ang mga pangunahing airline sa Japan tulad ng Japan Airlines at ANA ng pagkansela sa mahigit 100 flight na nakaapekto sa humigit-kumulang 11,000 pasahero.
Naglabas na ng babala ang mga awtoridad sa Taiwan at pinag-iingat ang publiko laban sa posibleng pagkasira ng dam sa Wanli Creek at banta ng mga pagbaha sa probinsya ng Hualien.
Inaasahang babalutin ng bagyo ang buong Taiwan mula Biyernes bago ito unti-unting lalayo patungo sa timog bahagi ng Japan ngayong darating na Sabado.