Magpapakalat ang Land Transportation Office ng halos 100 personnel sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos-Undas 2026 upang makatulong na masiguro ang road safety at maayos na daloy ng trapiko sa gitna ng dagsa ng mga biyahero.
Magtatalaga ang LTO ng 70 Law Enforcement Service enforces, 50 information, Education, at communication team members at 18 Philippine Coast Guard personnel.
Magtatalaga din ng mga tollway personnel upang mamonitor ang ilang pangunahing transport corridors, expressway entry at exit points, at ilan pang mga areas kung saan inaasahan ang pagdami ng mga biyahero.
Sakop ng deployment ang Manila-Cavite Expressway, South Luzon Expressway, Skyway, STAR Tollway, North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, Cavite-Laguna Expressway, at Philippine Economic Zone Authority–Tollway.
Magkakaroon din ng drug testing para sa mga driver at real-time enforcement operations upang agad na makita ang ilang mga potential violations, at upang agad na masolusyunan ang ilang mga hindi inaasahang insidente na maaaring makaapekto sa kaligtasan sa kalsada at maging sa daloy ng trapiko.
---
Pinalawig pa ng isang araw ng mga grupo ng mga magbababoy ang kanilang inilunsad na Pork Holiday na nagsimula kahapon, Oktubre 22, upang igiit ang agarang pagpapatupad ng pansamantalang import ban sa karneng baboy sa bansa.
Kinumpirma ito ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party-list Representative Nicanor Briones sa isang press briefing kasunod ng kanilang peaceful rally sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture.
Ayon kay Briones, layunin ng kanilang panawagan na mabigyan ng pagkakataong makabangon ang mga lokal na magbababoy mula sa patuloy na pagkalugi dulot ng pagpasok ng imported na karneng baboy sa bansa.
Iginigiit ng grupo na palawigin sa apat hanggang limang buwan ang import ban at saklawin ang lahat ng bahagi ng baboy, kabilang ang pork meat, liempo at balat, upang maiwasan ang technical smuggling na laganap din umano ngayon.
Aniya, kung hindi agad maaaksyunan ng pamahalaan ang kanilang panawagan, maaaring umabot sa bilyun-bilyong piso ang pagkalugi ng mga lokal na hog raiser.
Layunin din ng Pork Holiday na ipakita sa pamahalaan ang posibleng epekto sa suplay ng karne kapag itinigil ng mga lokal na magbababoy ang kanilang pagbebenta.
Babala ng mga grupo, kung hindi mabibigyan ng agarang solusyon ang kanilang problema, posibleng mapilitan ang maraming negosyong may kaugnayan sa industriya ng baboy na magsara sa susunod na anim na buwan.
Hindi lamang mga magbababoy ang posibleng maapektuhan ng sitwasyon kundi maging ang mga mamimili, na maaaring mahirapang bumili ng karneng baboy kapag tumaas ang presyo nito sa mga pamilihan.
Panawagan ng mga grupo sa pamahalaan na bigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga lokal na magbababoy sa halip na unahin ang interes ng malalaking negosyante, na nakikita nilang isa sa mga hadlang sa agarang pagpapatupad ng hinihiling na import ban.
Inaasahang mararamdaman ang epekto ng tigil-benta sa suplay ng karneng baboy ngayong araw.