Sa kabila ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na umano’y umalis na ng Pilipinas ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na nasa bansa pa rin ito.
“Per our records or available records which we can verify and validate, he’s still in the country,” ani Vida.
Nilinaw naman ni Vida na hindi niya kinukuwestiyon ang pahayag ni Remulla, bagama’t aminado siyang hindi niya alam kung saan nakuha ng kalihim ang impormasyong nakalabas na ng bansa si Ang.
Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Nitong Martes, kinumpirma ni Remulla na nakalabas na ng bansa si Ang sa pamamagitan ng “backdoor” exit o sa Mindanao.
Inamin naman ni Vida na maraming lagusan ang Pilipinas palabas dahil isang archipelago ang bansa.
“Very porous kasi talaga iyong borders natin and as the statement of your Secretary of Justice, per records of the department he is still in the country,” diin ni Vida.
Tiniyak naman ng kalihim na magpapatuloy ang pagsulong ng kaso laban kay Ang.
“We pursue our mandate, our prosecutors pursue trying the case, continue to present the relevant pieces of evidence for the court, although we see these as challenges, but we don’t see these as fatal to the case,” pagtiyak ng DOJ chief. (Prince Golez)
---
Hihilingin ng Malacañang sa Supreme Court (SC) na muling suriin ang kanilang desisyon na nagdeklarang unconstitutional ang unprogrammed funds sa 2024 at 2025 national budget.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na ang unprogrammed funds ay hindi likas na labag sa Konstitusyon, bagkus ay nananatili itong lehitimong paraan sa pagpopondo ng pamahalaan, at ano mang paggamit nito ay dapat na naaayon sa batas at sumusunod sa mga itinakda ng kondisyon.
Sinabi ni Castro na magsasampa ang gobyerno ng motion for reconsideration sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General upang tutulan ang ilang bahagi ng desisyon ng SC.
Sinabi ni Castro na simula noong 2015 ay pinayagan ng Kongreso ang paglalabas ng pondo kapag lumagpas sa target ang koleksiyon mula sa kahit isang tinutukoy na non-tax revenue source alinsunod sa iba pang kondisyon ng batas.
Binigyang-diin ni Castro na sinunod lamang ng administrasyong Marcos ang patakaran alinsunod sa mga naunang batas sa pagba-budget. (Aileen Taliping)