Skip to content

October 21 - 6 am NEWS

October 21 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 21, 2026 | 7:48 AM

Muling bumagsak sa panibagong record low ang halaga ng piso matapos itong magsara sa P63.361 kontra dolyar sa pagtatapos ng kalakalan ngayong Miyerkules, Oktubre 21, 2026.

Nahigitan ng naturang closing rate ang huling naitalang all-time low na P62.09 noong Lunes at Martes, Oktubre 19 at 20.

Bago pa man ang opisyal na pagsasara ng merkado, pumalo pa sa mas mababang antas na P63.373 ang palitan ng piso laban sa dolyar sa gitna ng intraday trading ngayong araw.

Ito na ang ika-29 na beses na nagtala ng panibagong all-time low ang halaga ng lokal na salapi sa buong taon na ito.

Inaasahang magkakaroon ito ng mabigat na impact sa mga pag-angkat sa ibayong dagat.

Habang positibo naman ang pagtingin ng ilan na may dollar remittance na inaasahan mula sa Estados Unidos.

---

Nanawagan sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng mas mahigpit na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan kasunod ng desisyon ng Korte Suprema (SC) na nagtakda ng mga limitasyon sa unprogrammed appropriations.

Bilang co-petitioner sa isa sa mga kasong pinagsama-sama ng SC, sinabi ni De Lima na bagama’t nais nilang tuluyang ipawalang-bisa ang UA, mahalagang hakbang ang pagtatakda ng Korte ng malinaw na limitasyong konstitusyonal upang maiwasan ang pang-aabuso sa pondo ng publiko.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat magsilbing proteksiyon laban sa pananagutan ang doctrine of operatives fact para sa mga mapatutunayang kumilos nang may masamang hangarin.

Samantala, iginiit ni Diokno na dapat malinaw na tukuyin at pondohan ang mga prayoridad na proyekto sa halip na ilagay ang mga ito sa UA, kung saan maaari silang maging bulnerable sa pang-aabuso at korupsiyon.

Nanawagan din siya sa Senado at House of Representatives na tiyaking sumusunod sa desisyon ng SC ang 2027 national budget, mula sa mga natitirang deliberasyon hanggang sa bicameral conference committee.

Kapwa iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangang alisin ang mga anyo ng pork barrel at tiyaking ginagamit ang pambansang badyet para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.