May malaking papel ang mga Filipino nurse at doktor sa pagpapatakbo ng healthcare system ng ibang bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Nurses Association National Annual Convention sa Pasay City nitong Lunes, ibinahagi ni Marcos Jr. ang sinabi sa kanya ng isang hari mula sa isang mayamang bansa tungkol sa malaking bilang ng Filipino medical workers sa kanilang mga ospital.
Ayon sa Pangulo, sinabi ng hari na 60% ng mga nurse at doktor sa kanilang intensive care unit hospitals ay mga Pilipino.
“You have the switch. If you stop sending us your healthcare workers, then the whole healthcare system in my country will stop,” kuwento ni Marcos Jr. sa sinabi ng hari.
Ipinakita umano nito kung gaano kahalaga ang mga Filipino health worker hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. (Prince Golez/Aileen Taliping)
---
Inamin ng dalawang testigo ng prosekusyon sa Sandiganbayan Third Division na hindi nila personal na nasaksihan ang delivery ng cash kay dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at hindi rin nila nakita na ang mga maletang dinedeliber ng mga bodyguard ni da¬ting Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ay naglalaman ng cash.
Sa Day 4 ng bail hearing ni Romualdez kaugnay ng kinakaharap nitong P7.4 bilyong kasong plunder, humarap sa anti-graft court sina Alvin Nuguid, isang police major na nagsilbing assistant security officer ni Co mula Marso 2024 hanggang Hulyo 2025, at si Police Master Sergeant Larry Bellen, na naging security aide ni Co mula 2018.
Parehong sinabi nina Nuguid at Bellen na bagaman nakikita nila na may dinedeliber na maleta sa bahay ni Co, hindi naman nila personal na nakita na may laman itong cash maliban sa mga usap-usapan na may “pera sa basura”.
Giit naman ni defense lawyer Atty. Via Valdepeñas, maituturing na hearsay ang testimonya nina Nuguid at Bellen at walang pinapakitang direktang ugnayan kay Romualdez sa umano’y delivery ng cash.
Sa testimonya ni Nuguid, sinamahan umano niya si Co sa iba’t ibang lokasyon, kabilang ang townhouse sa Manila Polo Club, McKinley Road sa Forbes Park, 30 Tamarind at Aguado Street.
Sa pagtatanong ni Valdepeñas at mga mahistrado ng anti-graft court, inamin din ni Nuguid na hindi siya personal na sumama sa umano’y delivery ng cash o nasaksihan na ikinakarga ang mga cash patungo sa mga nabanggit na lokasyon.
Samantala, inamin naman ni Bellen sa cross examination na ang nauna niyang pahayag na inudyukan umano ni Romualdez si Co na tumakbo sa party-list elections ay narinig lamang niya sa kuwentuhan ng mag-asawang Co.