Skip to content

October 2 - 6 am NEWS

October 2 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 02, 2026 | 7:45 AM

Sinabi ng Malacañang na hindi dapat isawalang-bahala ang alegasyon ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na tumanggap umano ng pera mula sa Chinese government si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dapat itong seryosong tingnan kung may sapat na ebidensyang susuporta sa alegasyon, lalo na’t maaari itong maging usapin ng pambansang seguridad.

Gayunman, sinabi ni Castro na wala pang inilalabas na impormasyon ang administrasyon sa ngayon at dapat munang mapatunayan ang alegasyon.

Binigyang-diin ni Castro na kung mapatutunayang may public official na tumanggap ng pera mula sa dayuhan kapalit ng pagtalikod sa interes ng bansa, magiging seryosong usapin ito laban sa katapatan sa bayan.

Sinabi rin ni Castro na kailangang managot ang sinumang mapatutunayang kumukunsinti o nakikibahagi sa naturang gawain.

---

Ipinapatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 19 Transport Network Companies (TNCs) matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa ilang rider hinggil sa umano’y hindi pagpapatupad ng aprubadong fare increase para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Matatandaang ipinatupad ng LTFRB noong Lunes ang bagong pasahe para sa mga public utility vehicle (PUV), kabilang ang mga TNVS.

Sa ilalim ng bagong fare matrix, tumaas mula ?45 hanggang ?65 ang base fare para sa TNVS sedan. Para naman sa AUV, ?55 na ang base fare mula sa dating ?35, habang ?65 na rin ang base fare para sa hatchback. Samantala, ?165 naman ang bagong base fare para sa premium TNVS.

Dahil dito, pinagsusulat ng LTFRB ang 19 TNCs upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng suspensiyon o kanselasyon ng kanilang accreditation dahil sa umano’y hindi pagsunod sa ipinatutupad na fare hike.

Isasagawa ang hearing sa Oktubre 7, kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga kinauukulang TNC na magpaliwanag hinggil sa mga reklamo.