Skip to content

October 19 - 6 am NEWS

October 19 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 19, 2026 | 8:09 AM

Iniutos ng Sandiganbayan Third Division ang 90-araw na preventive suspension kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng kinakaharap niyang kasong plunder.

Sa resolusyong inilabas noong Oktubre 19, iniutos ng anti-graft court ang suspensiyon ni Marcoleta, na magsisimula sa oras na matanggap niya ang nasabing resolusyon.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y P75 milyong ill-gotten wealth na hindi idineklara ni Marcoleta sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ayon sa mga alegasyon sa kaso, natanggap umano ni Marcoleta ang naturang halaga mula sa dating kongresistang si Mike Defensor at negosyanteng si Aristotle Viray noong siya ay kinatawan pa ng SAGIP Party-list.

Ayon sa Sandiganbayan, awtomatikong matatapos ang suspensiyon sa pagkalipas ng 90 araw.

Samantala, nilinaw ng korte na hindi maaapektuhan ng suspensiyon ang mga tungkulin ng Senado bilang isang collegial body.

---

Ipinatawag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa P. Lazaro si Chinese Ambassador Jing Quan upang ipaabot ang matinding pagtutol at pangamba ng Pilipinas sa naging pahayag nito noong Oktubre 15, 2026, na naglalaman ng banta ng paggamit ng puwersa.

Inihayag ni Lazaro sa embahador na ang kaniyang mga salita ay provocative, hindi katanggap-tanggap, at lalo lamang nagpapalala sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa halip na makatulong sa pagbuo ng pagkakaunawaan at kooperasyon.

Sa kabila ng panibagong diplomatikong hidwaan, tiniyak ni Communications Undersecretary Claire Castro na nananatiling matatag ang pangkalahatang relasyon ng Pilipinas at China.

Binigyang-diin ni Castro na nananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paggamit ng diplomasya habang patuloy na ipinagtatanggol ang teritoryo ng bansa at humihingi ng pananagutan mula sa Beijing.