Skip to content

October 16 - 7 am NEWS

October 16 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 16, 2026 | 9:47 AM

Nakikiisa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Katoliko sa buong mundo sa pagdarasal para sa mabilis at ganap na paggaling ni Pope Leo XIV matapos sumailalim sa operasyon sa baga.

“We look forward to his return to good health and to his conti¬nued spiritual leadership, guidance and blessings for the faithful,” pahayag ni Marcos Jr. sa kanyang Facebook page.

Nauna nang iniulat ng Vatican na na-diagnose ang 71-anyos na Santo Papa na may lung adenocarcinoma, isang uri ng kanser sa baga.

Sumailalim si Pope Leo XIV sa 90 minutong operasyon sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy, kung saan tinanggal ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga.

Ayon sa medical bulletin ng Vatican, naging matagumpay ang operas¬yon at walang naitalang komplikasyon. Normal ding nagising ang Santo Papa matapos ang operasyon at ibinalik sa kanyang silid matapos ang maikling obserbasyon. (Prince Golez/Aileen Taliping)

---

Naniniwala ang isang mambabatas na ramdam na ang negatibong resulta ng patuloy na pag-iwas ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya na nakalatag sa Senate impeachment court.

Ito ang opinyon ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union matapos bumaba umano ang public satisfaction rating ni Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

“Hindi na nakakagulat na bumababa ang rating ni VP Sara. Ang daming mabibigat na ebidensiyang lumabas sa Senado, pero hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na sagot. Puro iwas, puro palusot, puro paninisi sa iba,” sabi ni Ortega.

Batay sa survey, bumaba na sa +21 percent ang satisfaction rating ni Duterte nitong Setyembre mula sa +31 percent noong Hunyo, o bago nagsimula ang impeachment trial, at +29 noong Marso o panahong binubusisi pa sa House Committee on Justice ang impeachment complaint laban sa kanya.

Nangyari ang pagbaba sa survey rating ni Duterte habang nililitis sa impeachment court ang mga alegasyon ng unexplained wealth at isyu ng paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth ng Bise Presidente. (Bernard Taguinod)