Tiniyak ng Social Security System (SSS) sa mga miyembro, pensioner, at publiko na pinangangasiwaan nang maingat ang kanilang mga kontribusyo¬n upang protektahan ang pension fund at matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabayad ng benepisyo.
Ayon sa SSS, nag-i-invest lamang sila sa mga kompanyang may matibay na track record sa kita at stable na business performance, at hindi inilalagay ang pera ng mga miyembro sa mga risky o speculative investments. Diversified ang portfolio nito sa iba’t ibang uri ng assets, na tumutulong mabawasan ang panganib dahil maaaring mabawi ng kita sa ilang investments ang pagbaba sa iba.
Bagama’t maaaring mag-iba-iba ang presyo ng mga stock, patuloy na tumatanggap ang SSS ng dividend income mula sa mga equity holding nito, na nagdaragdag ng tinatayang P9 bilyon sa net income nito taon-taon. Ang mga dividend ay bahagi ng kinikita na ipinamamahagi sa mga stockholder.
Nauna rito, iniulat ng Bilyonaryo na base sa report ng Commission on Audit sumirit umano ang lugi ng SSS ng 245% sa P39.994 bilyon mula sa P11.604 bilyon noong 2021 sa mga investment.
---
Kinontra ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang pahiwatig ni Vice President Sara Duterte na maaaring gamitin ang 2027 budget para gipitin ang mga senator-judge at gantimpalaan ang mga boboto pabor sa conviction sa impeachment trial niya.
Sabi ni Lacson, walang katuwiran ang ganitong paglalahat laban sa mga mambabatas na kapareho niya ng paninindigan sa pagtatanggol sa integridad ng pambansang budget at lumalaban sa tukso ng “pork barrel fund” sa anumang anyo nito.
“A sweeping statement from no less than the country’s second-highest official is unfair to those of us who have consistently upheld the integrity of the national budget and served as its vanguards,” diin ng senador.
“In all my years as a senator, I have never succumbed to the allure of pork barrel, in whatever shape and form. On the contrary, I have consistently opposed and fought against it,” dagdag niya.
Noong Miyerkoles, binanggit ng Bise Presidente ang mga “alegasyon” ng “cash distribution and political maneuvering” kaugnay ng panukalang pambansang budget para sa 2027.
Sa isang post sa social media, kinuwestiyon niya kung ginagamit ang budget para pagsilbihan ang sambayanang Pilipino, o naging “bargaining chip” na ito para i-pressure ang mga senator-judge. (Dindo Matining)