Skip to content

October 15 - 8 am NEWS

October 15 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 15, 2026 | 9:39 AM

Nasunog ang isang barkong nagtataglay ng watawat ng Comoros habang nakatigil sa territorial waters ng Romania kasunod ng mga ulat ng panibagong pag-atake ng drone sa rehiyon ng Black Sea.

Ayon kay Romanian Defence Minister Radu Miruta, pormal nang iniimbestigahan kung drone ang tumama sa tanker na Yara J matapos ding makapagtala ng sunod-sunod na pagpasok ng mga hindi kilalang drone sa airspace ng bansa.

Nangyari ang insidente matapos ding maitala ang pag-atake sa dalawang barko sa baybayin ng Bulgaria kung saan tuluyang lumubog ang isa sa mga ito, na nagtulak sa pamahalaan ng Bulgaria na ipatawag ang ambassador ng Russia.

Iginiit naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na ang mga serye ng pambobomba sa mga sibilyang barko sa neutral waters ay gawa ng mga drone ng Russia.

Dahil sa lumalalang banta sa mga ruta ng kalakalan at enerhiya sa Black Sea, nagpasimula na ng konsultasyon ang mga karatig-bansa kabilang ang Bulgaria, Romania, at Turkiye upang patatagin ang seguridad ng mga sasakyang-dagat at bantayan ang teritoryo ng NATO at European Union.

---

Tumaas sa 3.7 porsyento ang taunang inflation sa United States nitong Setyembre mula sa 3.4 porsyento noong Agosto dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Ang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina ang pangunahing nagtulak sa inflation kasunod ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng US, Iran, Russia, at Ukraine.

Bukod sa enerhiya, nagmahal din ang renta sa bahay at ang mga kagamitang may kaugnayan sa artificial intelligence o AI infrastructure.

Dahil dito, lalong tumindi ang posibilidad na muling magtaas ng interest rate ang US Federal Reserve sa kaniyang gaganaping pagpupulong ngayong buwan.

Nagdulot din ang ulat ng karagdagang presyur sa pulitika kay Pangulong Donald Trump at sa mga Republican bago ang gaganaping midterm elections sa Nobyembre 3.

Kasunod ng paglabas ng datos sa inflation, nagtala naman ng pagbaba ang mga pangunahing pamilihan ng stock sa Amerika tulad ng Nasdaq at S&P 500.