Plano ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na iharap ang limang testigo sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 2026.
Ayon kay Senior Trial Lawyer Julian Nicholls, inaasahang haharap ang limang testigo na kinilala sa mga code number na 1302, 1100, 1400, 1263 at 0009, maliban kung may hindi inaasahang pangyayari.
Iniulat din ni Nicholls na sinuri ng mga analyst ang libo-libong dokumento tungkol sa mga pagkamatay sa operasyon ng pulisya at iba pang kasong may kaugnayan sa drug war.
Sa kanilang pagsusuri, nasa 3,422 umano ang naitalang pagkamatay sa anti-illegal drug operations mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
Iminungkahi naman ng prosekusyon na magkasundo ang magkabilang panig sa bilang na humigit-kumulang 3,400. Binanggit din niya ang accomplishment report ng dating Presidential Communications Operations Office na nagtala ng 3,967 pagkamatay sa kaparehong panahon. (Angelica ¬Malillin)
---
Pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang isang misa sa Vatican noong Miyerkoles habang nagpapagaling si Pope Leo XIV matapos operahan dahil sa cancer sa kanang baga.
Ayon sa Vatican, inalis ng mga doktor ang cancerous tumor sa baga ng Santo Papa sa isang 90-minutong operasyon sa Gemelli Hospital sa Rome noong Martes.
Bahagi ng kanyang kanang baga ang inalis sa operasyon. Naghihintay pa ang mga doktor sa resulta ng mga pagsusuri upang matukoy kung kumalat ang cancer.
Iniulat ng Vatican na naging maayos ang gabi ng Santo Papa matapos ang operasyon, ngunit wala pang inilalabas na karagdagang detalye tungkol sa kanyang kondisyon.
Habang nagpapagaling, si Tagle, na bagong dean ng Sacred College of Cardinals, ang nanguna sa misa sa Vatican na ginanap bandang alas-10:00 ng umaga sa oras ng Vatican.